ni Lolet Abania | December 31, 2020
Nagtalaga ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF) sa maraming lugar sa bansa upang madagdagan ang mga police personnel na nagmo-monitor sa seguridad ng mga mamamayan kasabay ng pagpapatupad ng minimum health protocols.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana, ang mga nasabing kawani ay naka-duty na para sa New Year’s Eve.
“Madaragdagan pa nga po ng puwersa ang ating mga kapulisan galing po sa Special Action Force,” ani Usana.
“Ang layunin naman po, hindi lang po sa seguridad at public order and safety, pati na rin po doon sa mga mamamayan na pumupunta-punta sa mga matataong lugar,” dagdag ng opisyal.
Sinabi pa ni Usana na nag-deploy din ng tinatawag na social distancing patrollers para matiyak na sumusunod ang publiko sa itinatakdang health protocols upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19.
Una nang sinabi ni Joint Task Force COVID-19 Shield commander Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na nagsagawa na ang organisasyon ng doubled deployment ng mga pulis para sa panahon ng Kapaskuhan.
Nakatutok nang husto ang pulisya sa mga lugar tulad ng palengke, simbahan, malls, ports, terminals, at iba pa na inaasahang dinadagsa ng mga tao.
Kommentare