ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | July 31, 2024
Dear Maestro,
May nililigawan akong babae na isinilang noong August 1, 2002. Feel ko wala siyang gusto sa akin, matagal na akong nanliligaw sa kanya pero hindi niya pa rin ako sinasagot.
May pinsan akong babae na may bestfriend na tawagin na lang natin sa pangalang Ms. Taurus na isinilang noong May 16, 2001. Ayon sa pinsan ko, may crush umano ito sa akin
Maestro, sino sa dalawang babaeng ito ang magiging girlfriend ko? Sino rin sa kanila ang ka-compatible ko maging kasintahan?
Nalulungkot na kasi ako ngayon, kaya sana magka-girlfriend na ako ngayon para naman maging masaya ang Pasko ko. Ang birthday ko ay September 2, 2000.
Umaasa,
Albert ng Talon Singko, Las Pinas
Dear Albert,
Tunay ngang kaya hindi ka sinasagot ng nililigawan mong babae na may birthday na August 1, 2002, ay dahil hindi kayo gaanong compatible sa Astrology, gayunman compatible naman kayo sa Numerology. Kung saan, okey sa alright na magsama ang birth date niyang strong number na 1 sa weak number na birth date mong 2.
Pero sa Astrology o zodiac sign, hindi kayo gaanong compatible ng nililigawan mo sapagkat ang Virgo na siyang zodiac sign mo at ang Leo na zodiac sign ng babaeng nililigawan mo ay magkapitbahay lang ng zodiac sign mo, kaya kung magiging kayo posible ring mauwi sa wala ang inyong relasyon.
Subalit ang birth date mong 2 na isang weak number ay sadyang compatible sa birth date niyang 1 na isang strong number. Ibig sabihin, bagama’t gusto ka na niyang sagutin, maaari ngang nagdadalawang isip o nag-aalanganin pa siya sa kanyang sarili.
Samantala, ang mas maganda nito ay ang katotohanang higit mong ka-compatible si Ms. Taurus na may birthday na May 16, 2001, dahil ang Taurus at Virgo ay kapwa nagtataglay ng elementong earth o lupa, kung saan, sa Western Astrology sila ang tinatawag na ‘same feather flocks together’.
Ibig sabihin, swak kayo dahil ang Virgo at Taurus ay sadyang tugma para sa isa’t isa, dagdag pa ang birth date niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) na isang weak number ay saktung-sakto at tugmang-tugma rin sa birth date mong 2 na isa ring weak number.
Sa pang-istatistikang batayan, maraming isinilang sa petsang 7, 16, at 25, na nakakatuluyan sila namang isinilang sa petsang 2, 11, 20 at 29.
Sa madaling salita, upang magkaroon ka ng isang maligaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon, mas makabubuting ang pagtuunan mo na lang ng pansin ay si Ms. Taurus na may gusto rin naman sa iyo, dahil tulad ng naipaliwanag na, siya ang tunay mong katugma at ka-compatible.
Ayon sa iyong Love Calendar, kung ibabaling mo na ngayon kay Ms. Taurus ang pagsisikap at pagmamahal, walang duda, ngayong 2024, sa buwan ng Oktubre o Nobyembre bago sumapit ang holiday season, sa edad mong 24 pataas, magkaka-girlfriend ka na, at magreresulta ito upang mas sumaya ka ngayong darating na Kapaskuhan.
Commentaires