ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 5, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Leroy na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naglalaro ako ng sabong ng gagamba. Sa totoong buhay, noong bata ako, talagang nagsasabong ako ng gagamba laban sa mga kababata ko. Pero ngayong 28-anyos na ako, wala na sa isip ko ‘yun. Gayundin, wala namang gagamba rito sa amin. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Leroy
Sa iyo, Leroy,
Ngayon ang panahon ng sabong ng gagamba dahil ang mga ito ay nasa todong-lakas at laki. Nangyari ito dahil nagsilaki na rin ang mga kulisap, at ito naman ang pagkain ng gagamba.
Pero ngayon ay wala nang gaanong gagamba sa mga probinsiya dahil napapatay sila ng insecticide na ginagamit ng mga magsasaka. Ang mga gagamba ay nasa malalayong lugar na walang gaanong sakahan o bukid na taniman ng palay at gulay.
Mas sikat ang sabong ng gagamba kaysa sabong ng mga panlabang lalaking manok. Ang sabong ng manok ay tuwing Linggo lang, pero ang sabong ng gagamba ay makikita mo sa iba’t ibang lugar sa mga bayan at barangay araw-araw.
Umaabot din ng libu-libong piso ang pusta sa sabong ng gagamba. Alam mo ba, Leroy, na dahil bawal ang cock fighting o sabong dahil sa COVID-19 pandemic, ang mga sabungero ay lumipat na sa sabong ng gagamba. Pero bawal din ang sabong ng gagamba, kaya lang may pinapayagan dito sa mga lokal na pamayanan dahil hindi rin naman malalaman ng mga awtoridad kung saang lugar ito ginagawa.
Sa mga kanto, puwedeng magsabong ng gagamba, pero puwedeng-puwede rin sa bahay, kaya mas mahirap kontrolin ang sabong ng gagamba kaysa sa sabong ng manok.
Ang panaginip mo ay nagsasabing kumuha ka ng aral sa buhay base sa mga kilos ng panabong na gagamba nang magtagumpay ka sa anumang layunin mo sa buhay.
Ang panlabang lalaking manok ay makikitang galit na galit at ang gusto ay patayin agad ang kalaban. Habang ang gagamba ay makikitang kalmado dahil pinag-aaralan muna kung kailan susugod at inaalam ang kahinaan ng kalaban.
‘Yan ang aral sa buhay na ang sabi ng panaginip ay alam mo rin naman dahil mahilig ka sa sabong ng gagamba. Isabuhay mo ito at hindi ka mabibigo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Opmerkingen