ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 7, 2023
Unang sargo ng taon, sinalubong tayo ng—sabihin na nating isang kahihiyan sa ating bansa—ang pagsablay ng ating air traffic system. Libu-libong mananakay ang naperhuwisyo at nagkakasisihan pa ang mga bago at dating opisyal ng transportation department dahil dito.
Kauna-unahan nating tatawagan ng pansin, ang Department of Budget and Management (DBM) na sana'y gawing prayoridad ang modernisasyon ng ating mga paliparan para hindi na maulit ang kahiya-hiyang pangyayari sa atin noong Enero 3. Bagong taon na bagong taon, inabot tayo ng ganitong sitwasyon.
Bakit nga ba nangyari ito, gayung bilyun-bilyong pondo ang inilaan ng Kongreso sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa kanilang modernisasyon at pagbili ng makabagong kagamitan? Bilyun-bilyong pondo para masigurong protektado at ligtas ang ating air traffic.
Taun-taon, sinisiguro ng Kongreso na may kaukulang pondo ang CAAP dahil napakaimportanteng nasa maayos na operasyon ang ating mga paliparan. Umaasa tayong sa susunod na budget proposal para 2024, i-prioritize ng DBM ang CAAP modernization. Nakapanlulumo itong nangyaring ito. Naging inutil ang Philippine airports sa panahong kailangang-kailangan ang kanilang serbisyo.
Kung matatandaan, 2008 nang malikha ang CAAP sa pamamagitan ng RA 9497. At ang batas na 'yan ang nagdeklara sa CAAP bilang civil aviation authority ng bansa at isang independent regulatory body.
Agosto noong nakaraang taon (2022), isinulong natin sa Senado ang isang panukala na mag-amyenda sa RA 9494. Layunin nating mas mapalakas ang CAAP matapos mapabilang sa mga hinagupit ng pandemya ang aviation industry.
Pero sa totoo lang, wala pang pandemya, may mga isyu na ang aviation status natin. Base na rin sa technical report ng United States Federal Aviation Authority o FAA. Sabi nila, merong 23 "critical element" na kailangang bigyan ng kaukulang pansin ng ating aviation authorities. Isa na nga riyan ang fine-tuning ng Philippine Civil Air Regulations, pagbabago sa safety and oversight structure ng CAAP, pag-update sa kanilang database storing system, pag-revalidate ng airline carriers at iba pa.
At dahil sa mga suliraning 'yan, isinulong natin ang pag-amyenda sa RA 9497 para mailagay sa mas maayos na serbisyo ang ating aviation industry. Mas lalo pang umigting ang ating panukala matapos ang airport fiasco sa pagsisimula ng 2023 na talaga namang nagpahirap sa napakarami nating kababayan at sa mga bisitang dayuhan.
Sa ilalim ng ating panukala, nilalayon nating mapalawig ang termino ng director general nang hanggang 8 taon, para masigurong kapado niya ang civil aviation system. Ito ay upang masigurong nasa pinakamaayos na estado ang technical at operational system at matiyak na napanatili ang aviation security functions bago magpalit ng pinuno matapos ang 8 taon; mai-update ang hanay ng CAAP Board of Directors at mailahok sa kanila ang mga kinatawan ng pribadong sektor. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang naumang problema sa oversight structure ng Board; hindi ipasasakop ang CAAP sa GCG Law at sa Salary Standardization Law dahil sensitibo ang kanilang operasyon at masyadong teknikal; paglilinang sa fiscal autonomy ng CAAP at magagawa lamang ito kung mai-exempt sila sa sakop ng RA 7656 o ang Dividend Law. Ito ay para ma-maximize ang paggamit nila sa kanilang mga kinikita.
Dumanas ng dagok ng pandemya ang ating aviation industry. At ang nangyaring power glitch kamakailan ay isa rin sa mga problemang dapat tutukan liban pa sa recovery ng naturang industriya.
Uulitin lang natin, bilyun-bilyong pondo ang inilaan natin sa modernisasyon ng CAAP. Sana ay i-prayoridad natin ang paggamit nito sa mga proyektong magpapaunlad at magpapalakas sa ating aviation system. Kaligtasan ng libu-libong mananakay ang nasa balikat ninyo, kaya't sana ay maging responsable tayo sa lahat ng pagkakataon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Commentaires