ni GA @Sports | November 22, 2023
Mga laro bukas (Huwebes)
(Philsports Arena)
2:00 n.h. – Galeries vs Akari
4:00 n.h. – Creamline vs NXLed
6:00 n.g. – Choco Mucho vs PLDT
Muling nakabalik sa panalo ang Petro Gazz Angels sa pagbida ni power-hitter Jonah Sabete nang sunugin ang masigasig na laro ng Farm Fresh Foxies sa 4th set, 25-22, 19-25, 25-16, 26-24 upang putulin ang 4-game losing skid kahapon sa mas tumitinding mga tagpo sa elimination round ng 6th Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kumana ang dating Bulacan State University outside spiker ng kabuuang 21 puntos mula sa 16 atake kabilang ang 3 blocks at 2 aces, habang sumalo rin ito ng 10 excellent digs upang dalhin sa 5-4 kartada ang Petro Gazz para sa solo 6th place at bahagyang makahiwalay sa three-way tie. “Lagi ko naman sinasabi sa sarili ko na magtrabaho lang ako, sundin ko lang 'yung laging sinasabi ng coaches ko and syempre mas lalo na yung system ni coach na kailangang kapag nagka-error kailangang pumuntos ulit. Ang laking bagay na ang laki ng tiwala ni (Djanel) Cheng sa amin sa mga wing spiker niya,” pahayag ng 5-foot-5 spiker na patuloy na pinaiiral ang mataas na successful attack rate at masipag na digs na kanyang nagamit higit na ang tatlong mahalagang digs na sumalba upang makaungos ang Petro Gazz sa magkasunod na panapos na atake ni Gretchel Soltones.
Sumegunda si Soltones sa 16 puntos mula sa 13 atake kabilang ang 12 excellent receptions, habang nag-ambag din sina Aiza Maizo-Pontillas ng 13pts at 12 receptions at tig-10pts nina Marian Buitre at Kecelyn Galdones. Namahagi ng 22 excellent sets si Cheng kasama ang 3 puntos.
Comments