ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 19, 2021
Nang bago pa ang pandemya noong nakaraang taon at nasa kasagsagan ang mahigpit na mga community quarantine, matindi ang mga ipinatupad na lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Dasal ng lahat, harinawa’y magkaroon agad ng bakuna kontra sa virus.
Hindi natin maitatangging marami sa atin ay binalot ng takot at tila naging paranoid. Ayaw magsilabas ng kani-kanyang bahay, ‘di ba? Lahat nangangambang mahawahan ng sakit.
At nitong mga huling buwan ng 2020, nakagawa na nga ng mga vaccine ang US, China, Russia, UK at iba pa. Medyo nabawasan ang pangamba ng marami kahit na nasa clinical trials at emergency use pa lamang ang mga ito.
Pero, kung kailan may bakuna na, iba naman ang inaalala at kinatatakutan ng iba. Safe raw ba talaga ang mga bakuna? Hindi ba tayo gagawin lang eksperimento? ‘Guinea pig’ ng mga siyentipiko?
Nakapagtataka kung bakit marami raw ang may ayaw magpaturok. Bunsod kaya ng kawalang tiwala at agam-agam sa gawa ng China at Russia? Lahat naman ng mga bakuna ay dadaan sa masusing pagsusuri ng ating Food and Drug Administration bago maaprubahan ang malawakang paggamit ng mga ito sa ating bansa.
No worries, mga kabayan, dahil IMEESolusyon d’yan, eh, ang inyong lingkod ay magboboluntaryo na bilang isa sa mga unang mabakunahan kung ito ay makababawas sa takot at alinlangan ng marami. Follow the leaders, ‘ika nga.
Sa totoo lang, gustung-gusto natin magpa-vaccine na para makapagtrabaho nang walang pangamba at makaikot na muli. ‘Yan ay sa kabila ng ating pagiging asthmatic habambuhay.
Walang mangyayari kung pababayaan lang natin na lamunin tayo ng takot, mga dear. Kung makatutulong ito sa kumpiyansa ng taumbayan na isapubliko ang aking pagpapaturok, eh, why not! Gora! Tara nang magpabakuna!
Comments