top of page
Search
BULGAR

Sa Wattah Wattah Festival ng San Juan.. Mga bumbero, nagpaulan ng tubig sa mga residente

ni Lolet Abania | June 24, 2022



Gamit ang mga fire truck, nagpaulan ng tubig ang mga bumbero sa mga residente ng San Juan City para sa kanilang Wattah Wattah Festival ngayong Biyernes.


Sa isang video, nagtatalunan at nagsasayawan sa kalsada ang mga manonood at residente ng lugar habang itinutok ng mga personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang mga fire hose at pinauulanan sila ng tubig.


Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, ang nakaugalian nilang aktibidad para sa Wattah Wattah Festival ay nakansela noong 2020 at 2021 dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.


“After three long years, ito na po ay magaganap muli ang aming selebrasyon ng aming kapistahan na nakasanayan ng bawat isa,” ani Zamora sa isang interview ngayong Biyernes ng umaga.


Sinabi ni Zamora na pinayagan na ang mga aktibidad para sa kapistahan, kung saan ipinagdiriwang si Saint John the Baptist, sa kabila ng pandemya dahil ang lungsod ay kasalukuyang nasa Alert Level 1.


Gayunman aniya, ang pagsusuot ng face masks ay nananatiling required maliban sa mga performers. Paalala ni Zamora na ipinatutupad ang liquor ban sa lungsod mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-3:00 ng hapon ng Biyernes.


Ipinagbabawal naman ang pagsasaboy ng maruming tubig, pagbato ng mga “water bombs” o plastic bags at mga bote na may lamang tubig, at pagbubukas ng mga pintuan ng mga sasakyang dumaraan.


Pinapayuhan ang mga motorista na humanap ng ibang mga ruta dahil ang lugar ng Pinaglabanan Shrine ay isinara na sa trapiko.


Ayon pa kay Zamora, inaasahan nilang libo-libo ang magpa-participate sa festival dahil sa libo-libo rin ang dumalo sa concert at firework show ng pista nitong Huwebes ng gabi.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page