ni Ka Ambo @Bistado | Nov. 9, 2024
Panalo na si US President-elect Donald Trump.
Malinaw ang mga ulat, natalo rin ang “fake news” mula sa US media.
-----$$$----
TUMPAK ang paniniwala ng kolum na ito na ang mga lumalabas na ulat sa mainstream media ng US ay mga palsipikadong balita.
Pinalilitaw nila na natatalo at deadlock ang dalawang magkatunggali sa presidential race.
Nang lumabas ang totoong resulta, landslide si Trump!
----$$$--
KUNG sinusundan ninyo ang kolum na ito, binanggit natin na ang “indicators” ng matatalong kandidato — ay ang “mismong away o sigalot” sa loob ng kampo.
Malinaw na maaga pa lamang ay sinisisi na agad ng mga maka-Harris si US President Joe Biden na kanilang kagrupo.
Malinaw na nararamdaman na nila ang “stress at pressure” ng pagkatalo.
-----$$$--
NAG-SECOND win si Trump at nagbanderang kapos si Harris.
Kung idinaan sa primary si Harris at maagang umatras si Biden — tiyak na iba ang resulta.
----$$$--
ISA pa, paano tatalunin ng apelyidong “Harris” ang apelyidong “Trump” sa US politics?
Icon na ang “Trump” at walang patol pa ang “Harris”.
-----$$$--
GANYAN din sa Pilipinas, paano tatalunin ng apelyidong “Robredo” ang apelyidong “Marcos”?
Mahalaga ang konotasyon ng bawat pangalan lalo pa’t mahalaga ang papel ng media at komunikasyon.
----$$$--
ANG tanong: May epekto ba sa Pilipinas ang Trump presidency? Ang sagot: Hindi malaki ang epekto, bagkus ay UBOD NANG LAKI.
-----$$$--
MAINIT ang Marcos-Duterte feud sa ngayon.
Alam nating BFF ni Digong si Trump, sa tingin ba natin — ay walang epekto? Magsalita kayo!
----$$$--
LUMALALA ang expose sa mga pagdinig sa Kongreso.
Pero, sa gitna nito, biglang mauupo si Trump.
Kwidaw!
----$$$--
HINDI lang ang Pilipinas ang apektado sa resulta ng US election, bagkus maging ang China, Russia, Iran, North Korea, Japan, Ukraine, buong Europe at buong Africa.
Ang pagbabalik ni Trump ay maihahalintulad sa kinatatakutang “The Big One”.
Mayayanig ang lahat.
-----$$$--
MAAARING maging negatibo o positibo ang resulta ng Trump presidency.
Dahil sa kanyang edad at sa serye ng bigong asasinasyon, posibleng hindi siya makatapos ng termino.
Nakakayanig at nakakahilakbot din ‘yan, ‘di ba?
-----$$$--
POSIBLE rin dito na magmitsa ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig o mabingit sa panganib ng nuclear war ang buong daigdig.
Gayunman, ang Trump presidency ay buwelo rin sa dekada 2030s kung saan ibayong pag-unlad ng teknolohiya ang mararanasan.
-----$$$--
SA panahon ng termino ni Trump, masasakop ang buong daigdig — indibidwal, pamilya, gobyerno at negosyo ng artificial intelligence syndrome.
Marami ang hindi makakasabay, pero ang mga kabataang bihasa sa gadgets at apps, tulad ng mga Pinoy ang kokontrol sa daigdig kasabay ng Trump presidency.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments