ni Lolet Abania | December 11, 2021
Ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) na posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng itlog dahil anila ito sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain ng manok.
“Inaasahan natin na magkakaroon ng paghihigpit sa supply dahil tumataas ang [presyo ng] patuka,” ani DA Assistant Secretary at spokesperson Noel Reyes sa isang interview ngayong Sabado. Una nang sinabi ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na posibleng magkaroon ng shortage sa suplay ng itlog dahil ang presyo ng mais, kung saan ginagamit sa paggawa ng chicken feed ay tumaas, mula sa dating P14 na naging P22 per kilogram.
Ayon sa UBRA, tumaas din ang presyo ng soybean na P55 per kilogram mula sa dating P27 lamang. Dahil sa naturang price hikes, babala ng UBRA na sa loob ng anim na buwan, maaaring magkaroon ng kakulangan sa suplay ng mga itlog kapag ang presyo ng chicken feed ay patuloy na tumaas.
Ayon kay Reyes, sa ngayon ang medium-sized na itlog ay nagkakahalaga ng average P6.50 bawat isa. Gayunman, giit ng DA official na ang suplay ng manok ay nananatiling sapat habang aniya, ang presyo nito ay nasa P160 hanggang P180 per kilogram depende sa laki ng manok.
Gayundin, sinabi ni Reyes na ang suplay ng mga gulay ay sapat para sa Kapaskuhan.
“Marami tayong lowland and highland vegetables,” sabi ni Reyes.
Subalit ayon kay Reyes, ang “andap” o frost na tumama sa mga gulay sa mga highlands ay naging hamon sa kanila, aniya “pero hindi ito masyadong makakaapekto [sa supply].”
Paliwanag ni Reyes, ang DA sa Cordillera Administrative Region ay nagbigay na ng sprayers sa mga magsasaka para ma-dissolve ang frost sa kanilang mga pananim.
Comentários