top of page
Search
BULGAR

Sa sports, dapat go na go tayo!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 1, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nakakahawa talaga ang enerhiya ng ating mga kabataan lalung-lalo na ng youth athletes ng bansa, kaya naman gustung-gusto silang nakakasama ng inyong Senator Kuya Bong Go.


Kamakailan lang, muli na naman akong pinabilib ng ating mga kabataang atleta sa aking pagdalo noong April 29 sa pagbubukas ng Central Luzon Regional Athletic Association Meet sa San Jose, Tarlac.


Bilang chairman ng Senate Committee on Sports, adbokasiya ko ang pagpapalakas ng ating sports sector lalo na sa grassroots level. Sa paanyaya ni Governor Susan Yap, nakasama natin ang mga lokal na opisyal sa pagbibigay ng suporta sa humigit-kumulang 25,000 student-athletes mula sa Region 3 na ating nakasalamuha at binigyan ng papuri at pasasalamat.


Sa kabila ng paghanga sa kanilang husay at kakayahan, nariyan pa rin siyempre ang ating paalala sa mga kabataan na lumayo sa ilegal na droga. At ano ang isa sa mga pinakaepektibong paraan para rito? Sports!


Ayaw nating masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kampanya kontra sa ilegal na droga. Kapag bumalik ang ilegal na droga, babalik ang kriminalidad! Maraming benepisyo ang naibibigay ng sports sa pisikal at mental na aspeto ng ating kalusugan. Kaya lagi ko ngang sinsasabi, “Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit.


”Salamat nga pala sa lahat nang mga opisyal mula sa mga probinsya, lungsod at munisipalidad, isama na natin ang mga guro at principal, sa kanilang pagkakaisa at pagtutulungan para mapalaganap ang sports sa komunidad.


Kung mayroon silang student-athletes na kailangan ng suporta, nandito ang aking tanggapan na handang tumulong. Kung may mga paliga sila sa mga eskwelahan o kanilang mga nasasakupan, go tayo r’yan!


Awa ng Diyos, nagbubunga ang ating pagsisikap para mapalakas ang sports sector sa bansa. Nariyan ang Republic Act No. 11470 na naging daan para maitayo ang National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac.


Tayo ang isa sa may-akda at co-sponsor nito sa Senado.May specialized sports curriculum for secondary education ang NAS katuwang ang Department of Education at ang Philippine Sports Commission. Layunin nitong mahasa ang kakayahan ng ating mga kabataang atleta nang hindi nasasakripisyo ang kanilang edukasyon.


Pangarap lang natin ito noon pero ngayon, nagkatotoo na.Ini-sponsor din natin sa Senado ang Senate Bill No. 2514, o ang panukalang Philippine National Games Act, na inakda ko rin kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Majority Floor Leader Senator Joel Villanueva at iba pang mambabatas.


Hangad natin na mapalawak at ma-institutionalize ang National Games sa pamamagitan ng grassroot sports development para mabigyan ng oportunidad ang mga atleta sa iba’t ibang lugar sa bansa na mairepresenta ang kanilang komunidad at balang araw ay mairepresenta rin sana nila ang bansa sa international stage.


Matagumpay rin nating naisulong bilang vice chair ng Senate Finance Committee at sponsor ng sports budget ang karagdagang pondo para sa Philippine Sports Commission para mas mapalakas pa ang suporta sa mga atletang Pilipino, mapaganda ang ating sports facilities, at mas mai-promote ang sports sa bawat sulok ng bansa.


Malaki ang ambag ng sports sa paghubog sa susunod na henerasyon dahil nagtuturo ito ng magandang-asal, disiplina, sportsmanship, teamwork at camaraderie.


Sa mga kabataan, atleta man o hindi, nasa hanay ninyo ang future leaders ng ating bansa. Payo ko inyo, unahin lagi ang pagmamahal sa bayan. Dagdag dito, mahalin ninyo at huwag kalimutang pasalamatan ang inyong mga magulang na nagpapakahirap magtrabaho mapaaral lang ang kanilang mga anak.


Manalo man o matalo, ang importante ay ibinuhos ang buong kakayahan sa laban. Just do their best, payo ko sa bawat atletang Pilipino. At sa mga kabataan, tandaan na mas masarap ang pakiramdam kapag pinagpawisan ang napanalunan. Sabi ko nga sa kanila, win or lose, para sa puso ko ay panalo silang lahat.


Bilang senador at inyong Mr. Malasakit, patuloy tayo sa paglalapit sa ating mga kababayan ng serbisyong nararapat at may malasakit.


Sinaksihan natin noong April 27 ang blessing at ribbon cutting ceremonies ng itinayong Super Health Center sa Urbiztondo, Pangasinan bilang chairman ng Senate Committee on Health na isa sa pangunahing nagsulong nito upang ilapit ang pangunahing serbisyong medikal sa komunidad.


Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 270 Barangay Health Workers doon. Matapos ito, nagbigay tayo ng tulong sa halos 500 residente na nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan din ng pansamantalang trabaho ng gobyerno kasama si Mayor Modesto Operaña.


Noong April 28, dumalo naman tayo sa turnover ng itinayong Super Health Center sa Paniqui, Tarlac. Nasa inagurasyon din tayo ng bagong Paniqui Market na ating tinulungang maisulong noon pagkatapos itong masunog. Pinangunahan din natin ang pamimigay ng dagdag na suporta sa halos 348 na nawalan ng hanapbuhay sa Tarlac na ginanap sa bayan ng Santa Ignacia kung saan nabigyan din sila ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Nagbigay rin tayo ng dagdag na tulong noong April 29 sa 456 residente ng Parañaque City na nawalan ng hanapbuhay. Kuwalipikado rin sila sa tulong pangkabuhayan ng gobyerno. Nakasama natin sa isinagawang relief effort sina Mayor Eric Olivarez, Vice Mayor Joan Villafuerte at iba pang mga lokal na opisyal.


Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para mag-abot ng tulong sa mga kababayan nating patuloy na nahaharap sa iba’t ibang krisis, tulad ng halos 900 na mahihirap sa Talavera, Nueva Ecija kasama si Cong. GP Padiernos; at 333 sa Sta. Praxedes, Cagayan kasama si Mayor Esterlina Aguinaldo. Nagbigay din tayo ng munting regalo sa 20 na mga bagong kasal sa Quezon City kasama si Councilor Mikey Belmonte.  


Ngayong Labor Day, nakikiisa ang inyong Senator Kuya Bong Go at ang buong Malasakit Team sa pagbibigay-pugay sa ating mga magigiting na health workers at lahat ng mga masisipag na manggagawang Pilipino! Magtulungan tayo para maiangat ang kabuhayan nila at ng buong sambayanang Pilipino.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page