ni Mai Ancheta @News | July 16, 2023
Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babawian ng prangkisa ang mga lalahok sa tatlong araw na tigil-pasada upang tapatan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 24.
Ayon kay LTFRB Chief Teofilo Guadiz III, may obligasyon ang mga operator ng public utility jeepney bilang franchise holder na huwag ilagay sa alanganin na sitwasyon ang mga pasahero o ang pampublikong transportasyon.
Ang tatlong araw na tigil-pasada ay inianunsyo ng grupong MANIBELA nitong nakalipas na linggo upang ipakita umano sa kasalukuyang administrasyon ang kanilang pagkadismaya sa isinusulong na modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan.
Tiniyak naman ng LTFRB Chief na hindi maaapektuhan ang mga pasahero sa ikinakasang tatlong araw na tigil-pasada dahil hindi sasali sa kilos-protesta ang "Magnificent 7" na mas maraming miyembro kumpara sa grupong MANIBELA.
Kabilang sa mga grupong nagpahayag na hindi sasali sa tatlong araw na transport strike ang Pasang Masda, ALTODAP, PISTON, ACTO, FEJODAP, Stop and Go at LTOP.
Sinabi rin ni Guadiz na magde-deploy ang ahensya ng mga libreng sakay sakaling may mga pasaherong maapektuhan ng tigil-pasada sa July 24, 25 at 26.
Comments