ni Lolet Abania | September 1, 2022
Sang-ayon si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr. na ang mga benepisyo na nakalaan sa mga nurses ay hindi sapat kung ikukumpara sa kanilang mga serbisyo at sakrispisyo matiyak lamang ang kalusugan ng publiko. Sa kanyang mensahe sa 100th anniversary celebration ng Philippine Nurses Association (PNA), sinabi ni Pangulong Marcos na hanggang nitong Agosto 19, 2022, ang gobyerno ay nakapag-disburse ng P25.82 billion halaga ng benepisyo para sa mga nurses. “Sa palagay ko kulang pa ‘yan eh. Medyo hirap tayo sa pondo ngayon kaya’t sa ngayon ganyan lang muna. Pero palagay ko binubuhay niyo ‘yung may sakit eh. Ibang usapan ‘yan, mahirap lagyan ng dolyar, ng piso, ‘yung trabahong ginagawa ninyo,” pahayag ng Pangulo. Ayon kay Pangulong Marcos, sa kasalukuyang benepisyo na nakalaan sa mga nurses nakabilang dito ang hazard duty pay, COVID-19 sickness at death compensation, meals, accommodation at transportation allowances, life insurance, Special Risk Allowance (SRA) at COVID-19 allowance. Pinuri rin ng Punong Ehekutibo ang sakripisyo ng mga nurses sa panahon ng matinding pagtama sa bansa ng COVID-19 pandemic. “Hindi lang kayo nag-aalaga ng pasyente kundi noong panahon ng kabigatan ng COVID, noong 2020, 2021, eh kayo’y pumapasok pa rin kahit alam ninyong high risk ang inyong trabaho, sige pa rin... marami sa inyo ay talagang tinamaan, marami sa healthcare workers ay nawala dahil nga hindi na nga umuuwi sa bahay para hindi madala ‘yung sakit sa kanilang mga pamilya,” diin ng Pangulo. Matatandaan na ang mga health workers mula sa parehong gobyerno at pribadong mga ospital at health institutions ay paulit-ulit na dumadaing tungkol sa hindi pagre-release ng kanilang SRAs at ang pagtatanggal ng iba pa nilang mga benepisyo, gaya ng meal at transportation allowances kahit na nagpapatuloy sila bilang mga frontliners sa paglaban sa COVID-19.
Sa isang interview ng mga reporters kay PNA president Melvin Miranda, sinabi nitong ang mga nurses ay hindi pa nakatatanggap ng mga benefits, kung saan ipinahayag ni Pangulong Marcos na nai-disburse na ang mga ito. Gayunman, umaasa siya na ang lahat ay maibibigay din kasunod ng kanilang dialogue sa Pangulo. “Hindi pa po pero ‘yun nga po dahil po tayo po ay makikipagdayalogo sa kanya, so probably doon maiaayos lahat, one by one...” saad ni Miranda. Nang tanungin kung kabilang dito ang mga allowances na hindi pa naibigay sa panahon ng Duterte administration, positibo naman ang naging tugon ni Miranda.
Comentários