ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 10, 2023
Mismong ang presidente ng IBC-13 na si Jimmy Policarpio at PTV4 general manager na si Ana Puod ang nagkumpirma na sa dalawang networks eere ang game show na Wowowin ni Willie Revillame.
Wala rin daw tatanggapin na suweldo si Willie at ang mga ipamimigay na premyo sa show ay manggagaling sa mga sponsors ng Wowowin.
Ayaw pang maglabas ng final statement tungkol sa negosasyon, pero inihanda na ang kontrata ni Willie. Balitang bago mag-Pasko ang target date ng pagsisimula ng Wowowin sa IBC-13 at PTV4.
Gusto munang tapusin ni Willie ang ghost month na hanggang Sept. 15 pa at du’n lang siya magbibigay ng kumpirmasyon tungkol sa Wowowin.
For sure, abalang-abala na si Willie sa pag-iisip ng mga bagong pakulo na palaro para bongga ang pagsisimula ng Wowowin.
Marami rin siyang kaibigang sponsors na nangako ng suporta sa kanyang game show tulad ng Camella Homes ng mga Villar, Frontrow ni R.S. Francisco, Plemex at iba pa.
Ngayon pa lang ay nabuhayan na ng loob ang mga dating staff, dancers, etc. sa pagbabalik ng Wowowin. Tiyak na magiging masaya ang pagdiriwang ng Pasko para sa kanila.
Comments