ni Lolet Abania | January 14, 2022
Inanunsiyo ng Supreme Court ngayong Biyernes na ang nakatakdang Bar examinations ay isasagawa na sa Pebrero, kung saan ilan sa kanilang examinees ay tinamaan ng COVID-19, habang ang iba ay naka-quarantine dahil sa sakit.
Gaganapin ang Bar exams sa Pebrero 4 at Pebrero 6, na dating nakaiskedyul ng Enero 23 hanggang Enero 25.
Batay sa isang email survey, ayon sa SC nasa 16.8 porsyento ng 8,546 examinees, alinman sa kanila ay positibo sa virus, kasama sa bahay na may COVID-19, o nasa quarantine dahil sa exposure nila rito.
“They are at risk of not being able to take the Bar Examinations if the original schedule... were to push through,” nakasaad sa anunsiyo.
“Also, given the current infection rate and quarantine situation of the Bar personnel, 16 out of 31 teams that will be deployed will be critically understaffed if the current schedule were maintained,” ayon pa rito.
Hinimok naman ng SC ang mga examinees na sumailalim na sa self-quarantine hanggang Enero 20.
Una nang pinaiksi ang Bar exams ng 2 araw sa pangamba hinggil sa epekto ng Omicron variant ng COVID-19 at ang idinulot na hagupit ng Bagyong Odette.
Matatandaang noong nakaraang taon, inanunsiyo ng SC na ang Bar exams ay magiging digitalized, localized, at proctored na.
Gayundin, ang mga Bar examinees ay kukuha ng pagsusulit gamit ang kanilang sariling Wi-Fi-enabled laptops sa halip na ang traditional exams, kung saan required sa kanila na lahat ng sagot ay handwritten o sulat-kamay.
Comments