ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 22, 2022
Grabe na ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at halos lahat umiiyak ang bulsa, halos lahat wala nang mahugot.
Eh, biruin n’yo naman, kaliwa’t kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tulad ng bigas, asukal, tinapay, mga isda at iba pa ang epekto ng patuloy na sumisirit na presyo ng gasolina, ‘di ba?
Higit na umaaray ang sektor ng transportasyon, aba, eh, kaliwa’t kanan ang hirit ng mga pampasaherong bus, jeepney, pati nga Grab Philippines o TNVs nagpetisyon para sa fare hike pati traysikel, hay, juskolord! Wala nang mura.
Hangga’t nagpapatuloy ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, pataas nang pataas ang presyo ng krudo o mga produktong petrolyo sa buong mundo kasama na tayo.
At ayon nga sa mga tantiya ng economist papalo sa P100 ang presyo ng gasolina kada litro, Santisima! Paano na lang tayo mabubuhay niyan?
Kaya naman, dumarami na rin ang humihirit na taasan ang suweldo. Pero paano ‘yun gagawin kung kapos na rin ang pondo ng mga kumpanya? Juskoday!
Sa ganang atin, bilang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, IMEEsolusyon na hikayatin natin si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marco, Jr. na mainam tingnan kung ano pa ang natitira sa PAGCOR at Philippine Charity Sweepstakes Office na maaaring pang-subsidiya sa mga sektor na naghihikahos, tulad ng transportasyon at agrikultura, lalo na sa fisheries sector.
Saka ipatupad ang hybrid work-set up sa mga opisina. Ito ‘yung merong naka-work from home at merong iilang pumapasok sa opisina, ‘di ba?
Saka ipagpaliban na rin mula sa 2023 national budget ang mga hindi mahalagang gastusin, tulad ng pondo para sa travel expenses, training, pagbili ng mga bagong sasakyan at pagpapaganda ng mga opisina ng gobyerno. Agree?
Wala pang nakakaalam kung kailan matatapos ang krisis sa langis, kaya plis, gawan na lang natin ng abot-kayang remedyo.
Comments