ni Lolet Abania | September 8, 2021
Ipinahayag ni Pangulo Rodrigo Duterte na ginagawa niya ang lahat para matugunan ang problema sa pandemya ng COVID-19 sa bansa habang humingi ito ng paumanhin para sa iba na sa tingin nila ay nagkukulang siya.
“Sabihin ko sa inyo, iyong oath of office ko, talagang tinupad ko. Kung sabihin ninyo [na] ako ang nagkulang, eh sorry. Ginawa ko ang lahat ko,” ani P-Duterte sa isang taped address na ipinalabas nitong Miyerkules nang umaga. “Kung ang lahat ko ay kulang pa, patawad po. ‘Yun lang talaga ang kaya ko,” sabi pa ng Pangulo.
Umapela naman si Pangulong Duterte sa mga healthcare workers na dagdagan ang kanilang pasensiya hinggil sa pagkaantala ng pagre-release ng mga allowances na para sa kanila sa gitna ng pandemya, aniya ang kanilang benepisyo ay agad na ibibigay kapag na-secure na ng gobyerno ang pondo para rito.
“Gusto ko ring ipaabot sa health workers na alam mo sa totoo lang, kung may pera lang talaga, hindi namin pigilan, ibigay namin lahat ‘yan total anuhin namin ang pera sa kamay namin?” saad ng Pangulo.
“Give us time to adjust the finances because we had to collate whatever was left or available under Bayanihan 1 and 2 [laws]. Kaunting pag-unawa po kasi kung meron talaga, bakit hindi namin ibigay?” dagdag ni P-Duterte.
Aminado naman si Department of Health Secretary Francisco Duque III, na naroon din sa briefing, na ang pamahalaan ay patuloy na naghahanap ng pondo para sa meals, accommodation and transportation (MAT) allowances ng mga healthcare workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“The needed MAT allowance, the DBM and DOH are currently looking for funds for these benefits so we can grant them to health workers in both public and private hospitals,” sabi ni Duque.
Ayon kay Duque, mula sa Setyembre 2020 hanggang Hunyo ngayong taon, nakapag-release na ang gobyerno ng P14.3 bilyon halaga ng benepisyo para sa mga health workers.
Simula noon, sinabi ng kalihim na ang pamahalaan ay nakapag-release rin ng P311 milyon at P888 milyon para sa special risk allowance (SRA) ng mga health workers.
Agad namang nakapagbigay ng SRA ang gobyerno matapos na ang mga health workers ay nagprotesta at nagbantang magre-resign habang ang bansa ay patuloy sa pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Gayunman, parehong sina Pangulong Duterte at Duque ay hindi binanggit na ang tinatayang nasa P6.4 bilyon halaga ng hindi nagamit na pondo sa Bayanihan 2 law ay reverted na o ibinalik sa Bureau of Treasury matapos na ang naturang batas ay mag-expire nitong Hunyo 30.
Comments