ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 4, 2022
Naging makulay ang pinakahuling plenary session sa Senado noong Miyerkules dahil sa pagtatapos ng 18th Congress kung saan walong Senador na tapos na ang mga termino ang nagpahayag ng kani-kanilang pamamaalam.
Hindi tulad ng dati na madalas ay mainit ang balitaktakan, walang humpay ang debate na minsan ay nauuwi pa sa samaan ng loob para ipaglaban lamang ang mga panukalang batas ng bawat isa—na wala namang ibang intensiyon kung hindi ang kabutihan ng bansa.
Ang sesyon na karaniwang natatapos ng alas-5 ng hapon ay inabot ng halos alas-9 na ng gabi at tila ayaw pang maghiwa-hiwalay ng mga senador dahil sa gitna ng sunud-sunod na valedictory speeches ay hindi maiwasan ang pagtaas ng emosyon dahil sa haba ng panahon ng pinagsamahan.
Nangibabaw ang saya, tawanan, iyakan, mahihigpit na yakapan na kahit isang araw ay kitang-kita sa mga Senador ang pagkakaisa na tila walang pulitikang pinagdaanan at lahat maging ang mga staff ng mga Senador ay matiyagang naghintay.
Unang nagbigay ng kanyang speech si Senate President Vicente Sotto III, na tinalakay ang mahigit 30-taon niya sa serbisyo publiko simula pa lamang ng mahalal siya bilang vice-mayor ng Quezon City hanggang maging isang ganap na Senador.
Si Sen. Sotto na kilalang nagmula rin sa showbiz industry ay binigyang-pugay ng karamihang Senador, partikular ang inyong lingkod dahil sa husay at galing na ipinamalas nito sa kanyang panunungkulan at sa bawat yakap sa kanya ay kitang-kita ang pagdaloy ng kanyang luha na magkahalong lungkot at saya.
Nagbigay din ng kanyang farewell speech si Senate Pro Tempore Ralph Recto at isa-isang binigyang-pugay ang lahat ng magigiting na Senador na nagpamalas ng kani-kanilang naging kontribusyon sa mga panukalang batas na ngayon ay umiiral ng batas.
Sa kabuuan ay umabot sa 46 batas ang naipasa ng 18th Congress habang may tatlo pang nakabinbin na anumang oras ay maaari ng lagdaan.
Kabilang sa mga naisabatas ang Marawi Siege Victims Compensation Act, Department of Migrant Workers, Bayanihan to Recover as One Act, Doktor Para sa Bayan at Malasakit Center Act na pinakikinabangan na ng ating mga kababayan.
Ang mga iniakda naman nating batas na aprubado na ni Pangulong Duterte sa ilalim ng 18th Congress ay ang RA 11569 o ang Extending the estate tax amnesty; RA 11699 o ang National Press Freedom Day at RA 11701 o ang Night Differential Pay.
Hinihintay na rin lang natin aprubahan ng Pangulo ang iniakda pa nating SB 2365 na Philippine Deposit Insurance Corporation Charter (Amendments) at may apat pang pasado na rin sa pinal na pagbasa at nakatakda ng dalhin sa Palasyo para maaprubahan.
Inabangan din ang pahayag ni outgoing Senate Minority Leader Franklin Drilon at bilang isa sa pinakabeterano sa Senado ay maraming baguhang Senador ang nagpasalamat sa kanya dahil sa marami umano silang natutunan sa mabusising Senador.
Isa si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang nagsabing nanghihinayang siya para sa mga baguhang Senador dahil hindi na nila makakasama pa si Sen. Drilon na isa umano sa mga nagbigay sa kanya ng karunungan para maging mas karapat-dapat na Senador.
Sa walong namaalam sa Senado ay tanging si Sen. Drilon lamang ang nagpasubali na tila nais nang magbalik sa pribadong buhay at magreretiro na sa pulitika, ngunit umaasa pa rin ang marami na hindi pa ito pinal hangga’t hindi pa dumarating ang susunod na halalan.
Ang mga aalis na sa Senado ay sina Sen. Sotto, Sen. Recto, Sen. Drilon, Sen. Ping Lacson, Sen. Leila de Lima, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Dick Gordon.
Lahat ay nagbigay ng kani-kanyang pahayag at maging ang mga hindi pa naman ‘graduating Senator’ ay nagbigay din ng speech na ang iba ay medyo madamdamin at ang iba ay nagdulot din ng katatawanan kapag sinasariwa na ang mga nakatutuwang alaala sa Senado.
Karaniwan kahit hindi pa tapos ang session ay nag-uunahan ng bumalik sa kani-kanyang opisina ang mga Senador para tugunan naman ang iba pang mga gawain na hindi nangyari sa huling ng session ng 18th Congress.
Halos ilang minuto ng tapos ang huling session ay nananatili pa rin ang mga Senador at ramdam na ramdam na hirap na hirap silang maghiwa-hiwalay dahil patuloy pa rin ang mataas na emosyon, tawanan at palitan ng mga bilin.
Nagtapos ang lahat ng magdesisyong sabay-sabay na magpakuha litrato ang lahat ng dumalong Senador at matapos na magkagulo ang mga photographer ay doon na tuluyang naghiwa-hiwalay hanggang sa manahimik na ang buong kapaligiran ng Senado.
Pero huwag masyadong malungkot dahil ilang tulog lang ay simula na naman ng kampanya para sa susunod na eleksiyon sa 2025 at tiyak na maraming paalis ang magbabalikan para kumandidato.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments