ni Lolet Abania | September 5, 2022
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_3426699ab81646c7b72deb18a69c2c7e~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_3426699ab81646c7b72deb18a69c2c7e~mv2.jpg)
Nagbunga ng magandang resulta ang pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga paaralan kasunod ito ng pagbabalik sa face-to-face classes ng mga estudyante, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Department of Education (DepEd) hinggil sa mga sitwasyon sa mga paaralan.
“So far so good. We are in constant coordination with the Department of Education at lahat naman po ng ating mga tagubilin na kasama sa mga protocols natin ay natutupad,” pahayag ni Vergeire sa isang press briefing ngayong Lunes.
Ayon kay Vergeire, naobserbahan lamang nila ang pagsisiksikan sa mga paaralan paminsan, subalit nakipag-coordinate na rin ang ahensya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa mga local government units (LGUs) upang i-address ang ganitong sitwasyon.
Nitong Huwebes, ipinahayag ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na wala pang estudyante at mga guro na nai-report na tinamaan ng COVID-19 simula nang magpatuloy ang in-person classes noong Agosto 22.
Sa bahagi naman ng DOH, sinabi ni Vergeire na may ilang mga estudyante ang nai-report na nagkakasakit, subalit may mga protocols na isinasagawa para sa katulad na mga sitwasyon.
“In terms na mga bata na nagkakasakit, nakita natin na maayos ang pagpapatupad ng ating mga protocols. Very minimal lang po ‘yung reported cases na may sakit sa mga kabataan na pumapasok,” saad ni Vergeire.
Comments