top of page
Search

Sa paglobo ng kaso ng Leptospirosis, San Lazaro at National Kidney Hospitals problemado

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 21, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Hindi gaanong napagtutuunan ng pansin at maging ang mainstream media ay matamlay ang pagtrato hinggil sa sitwasyon ng leptospirosis sa bansa ngunit dapat na tayong maalarma dahil sa kinakapos na ng staff ang San Lazaro Hospital at National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa paglobo ng mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit. 


Kinumpirma ng SLH sa Maynila na umakyat na sa 57 ang pasyente na dumating nitong Sabado at 23 pang iba mula sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.


Bagama’t hindi pa napupuno ang 65-bed capacity ng leptospirosis wards ng ospital, kulang naman sila ng medical staff para asikasuhin ang mga pasyente, maging ang mga nurse umano ay kinakapos na rin. 


Nagkukulang na rin umano ang suplay ng gamot at pinoproblema nila ang mga pasyenteng kailangang sumailalim sa dialysis. Bagama’t mayroong apat na hemodialysis machines ang ospital, tatlong nurse lang umano ang may kakayahan na mag-operate nito.


Nagpasaklolo na ang NKTI sa Department of Health na magpadala ng karagdagang nurse at doktor dahil sa dumarami nilang pasyenteng may leptospirosis.

Lumobo ang bilang ng tinamaan ng leptos matapos ang matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa noong Bagyong Carina.


Simula nang sumirit ang kaso ng leptospirosis hanggang ngayon ay patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan kung paano ito lalabanan dahil umabot na sa siyam katao ang nasawi sa Maynila sa naturang sakit mula Hulyo 16 hanggang Agosto 5 ngayong taon.


Ang sintomas na ipinakita ng mga naitalang kaso ay mataas na lagnat, sakit ng katawan at hirap sa pag-ihi.


Dahil dito, nagdagdag ng mga pagamutan at  nakahanda na ang Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) para sa posibleng pagtaas pa ng mga kaso ng leptos ngayong panahon ng tag-ulan.


Nagbigay naman ng anunsiyo ang bagong chief ng OMMC na si Dr. Aileen Lacsamana — para sa lahat ng division chief na ihanda ang ospital pati na ang bed capacity nito para sa mga pasyente.


Base sa datos ng OMMC Department of Internal Medicine, may 37 leptospirosis patient ito simula noong Bagyong Carina.


Nabatid na karamihan sa mga pasyente ay mula sa ikalimang distrito ng Maynila.

Batay naman kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, may apat katao na ang ini-report sa kanila na nasawi dahil sa leptospirosis. 


Mataas ang mortality ng leptospirosis lalo na kung late na sila na-diagnose kaya ang warning ng DOH, early on pa lang, o nilalagnat, make sure na matingnan na sila ng doktor.


Kinumpirma na rin ng DOH na mayroong epidemya ngayon ng leptospirosis dahil marami ang hindi naiwasang lumusong sa baha noong kasagsagan ng bagyo.

Kaugnay nito, iminungkahi ng ahensya sa mga local government unit na magpasa ng ordinansa para ipagbawal ang pagligo sa baha upang makaiwas sa panganib na tamaan ng sakit.


Dagdag ng kalihim, kakausapin niya ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang i-regulate at ipagbawal ang pagligo ng mga bata, maging ng mga matatanda sa baha upang hindi magkaroon ng outbreak sa leptospirosis.


Tumaas umano ang mga kaso ng leptospirosis bunsod ng pagiging pasaway ng publiko na sa halip manatili sa bahay kapag bagyo o baha ay lumalabas pa para maligo sa maruming tubig. 


Sa ngayon, patuloy ang pagtaas ng kaso nito sa Metro Manila at ilang kalapit lalawigan. 

Sinabi rin ni DOH Assistant Secretary, at spokesperson Albert Domingo na inaasahan na nila ang mga kaso ng leptos dahil ang incubation period nito ay hanggang dalawang linggo o maaaring umabot ng 30 araw.


Batay sa updated data ng DOH, simula August 8-13 ay nakapagtala ng 523 na mga pasyenteng may leptospirosis, 423 sa mga ito ay matatanda at 100 ay mga bata.

Ayon pa kay Domingo, mayroong naitalang 43 nasawi, kung saan 41 sa mga ito ay matatanda at dalawang bata.


Karamihan umano sa mga pasyenteng may leptos na naka-admit sa mga ospital sa Metro Manila ay nagda-dialysis kung saan ang tinamaan ay ang kanilang kidney, at walo sa mga ito ay nasa mechanical ventilator dahil nasapul ang kanilang baga ng bacteria.

Ibig sabihin, ganyan katindi ang problema sa leptospirosis na parang binabalewala lamang ng marami nating kababayan dahil sa kakulangan ng kaalaman at walang takot pa rin kung lumusong sa baha.


Kahit alam na ng ating mga kababayan ang tungkol dito, kailangan pang paigtingin ang pagpapakalat ng impormasyon kung gaano ito kadelikado dahil nagtatampisaw pa rin sa baha at hindi nagpapa-check-up pagkatapos lumusong.


Available ang mga gamot sa mga center ng barangay kontra leptos at sakaling hindi naiwasang mapalusong tayo sa baha, ang kailangan lang ay agad na kumonsulta bago pa makaranas ng sintomas.


Maliban na lamang kung talagang nais n’yo nang iwan ang mundong ito — ibang usapan na ‘yan!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page