ni Lolet Abania | December 4, 2021
Isinailalim ang mga guro mula sa pampublikong paaralan sa Quezon City na nakatakdang makibahagi sa pilot run ng limitadong face-to-face classes sa susunod na linggo, sa antigen tests sa COVID-19 ngayong Sabado.
Nasa tinatayang 200 guro mula sa Payatas B Annex Elementary Schools ang na-tests ng Sabado ng umaga. Sa ngayon, wala ni isa sa mga guro ang nagpositibo sa virus matapos ang kanilang COVID-19 testing.
Sa hapon naman ng Sabado, ang mga guro mula sa Bagong Silangan Elementary School sa Quezon City ang isinailalim din sa antigen tests sa COVID-19.
Ang pagsasailalim sa COVID-19 testing sa mga guro ay bahagi ng measures na isinasagawa para sa paghahanda sa pilot run ng limitadong face-to-face classes na nakatakdang simulan sa Lunes, Disyembre 6.
Gayundin, para masiguro na ang mga guro ay walang COVID-19 at tiyakin sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay magiging ligtas sa pagpasok nila sa mga klase.
Sa Lunes, 28 paaralan sa Metro Manila ang makikibahagi sa pilot run ng face-to-face classes.
Nitong Huwebes, inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na 177 eskuwelahan, kabilang na ang 28 public schools sa Metro Manila, ang sasali sa pilot run ng in-person classes.
Ang karagdagang ito ang nanguna sa 118 paaralan na inisyal na inaprubahan ng DepEd para isagawa ang limitadong face-to-face classes noong Nobyembre.
Matatandaang sinimulan noong Nobyembre 15 ang pilot testing ng face-to-face classes sa maraming lugar sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic, kung saan 100 public schools, na nagpatupad ng mahigpit na health protocols, ang nakibahagi.
Habang 18 private schools naman mula rin sa maraming lugar sa buong bansa na nasa low risk sa COVID-19 ang nagsimula ng kanilang pilot face-to-face classes noong Nobyembre 22.
Ayon sa DepEd, ang tinatawag na assessment period para sa initial run ng pilot face-to-face classes ay hanggang Disyembre 22, 2021. Ang pilot study naman ay nakatakdang magtapos sa Enero 31, 2022.
Comments