top of page
Search
BULGAR

Sa ngalan daw ng delicadeza…Duque, resign! – Health workers

ni Jasmin Joy Evangelista | September 2, 2021



Nanawagan ang mga health workers na magbitiw na sa puwesto si Health Secretary Francisco Duque III sa ngalan ng delicadeza sa malawakang protestang idinaos nila kahapon.


Kasama sa mga nakilahok sa protesta ang mga manggagawa mula Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine at Tondo Medical Center.


Sila ay nagmartsa patungong tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Maynila para hilingin ang pagbibitiw ni Duque dahil umano sa kabiguan ng pamahalaan na maibigay agad ang kanilang mga benepisyo.


Pero iginiit din ng mga manggagawa na hindi lang sa benepisyo nagpabaya ang DOH dahil wala rin umano silang sapat na proteksiyon sa araw-araw na pagsuong sa COVID-19.


Iilan pa lamang daw ang nakatanggap ng ipinangakong special risk allowance (SRA) sa mga health workers.


Hindi pa rin anila naibibigay ang kanilang meals, accommodation and transportation (MAT) allowance at active hazard duty pay.


Nasa P311 milyon ang pondong ibinaba para bayaran ang SRA ng higit 20,000 health workers.


Makailang beses nang ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque pero kamakailan, sinabi nitong tatanggapin niya kung kusang magbibitiw ang kalihim.


Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na tuluy-tuloy ang ugnayan ng DOH at DBM para makakuha ng budget support sa dami ng benepisyong kailangang bayaran sa mga health workers.


Bago nito, nagdaos din ng protesta ang mga health workers noong Lunes kasabay ng Araw ng mga Bayani.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page