top of page
Search
BULGAR

29 volcanic quake sa nakalipas na 24-oras, naitala sa Bulusan Volcano — PHIVOLCS

ni Lolet Abania | June 6, 2022



Umabot sa kabuuang 29 volcanic earthquakes ang na-monitor sa Bulusan Volcano sa Sorsogon sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Lunes.


Sa kanilang 5AM volcano bulletin, sinabi pa ng PHIVOLCS na ang phreatic eruption ay nai-record ng alas-10:37 ng umaga nitong Linggo na tumagal ng 17 minuto.


Ayon sa PHIVOLCS, ang plume mula sa crater ng Bulusan Volcano ay umabot ng hanggang 150 metrong taas saka pumailanglang patungong hilagang kanluran. Ani pa ng PHIVOLCS,


“The volcano edifice was also inflated.” Nananatili ring nakataas sa Alert Level 1 ang buong Bulusan Volcano. Ipinagbawal naman ng PHIVOLCS sa publiko, ang pumasok sa 4-kilometer-radius sa Permanent Danger Zone (PDZ) gayundin, hindi maaaring pumasok ng walang pag-iingat sa Extended Danger Zone (EDZ).


Ayon kay PHIVOLCS Director at Science Undersecretary Renato Solidum Jr., na ang danger zone sa Bulusan ay kanilang in-extend ng hanggang dalawa pang kilometro.


“Nagdagdag tayo ng dalawang kilometro sa southeast sector EDZ kasi doon sa side na ‘yun may mga bitak din ng mga nakaraang eruption na nagkaroon din ng pagsabog doon,” ani Solidum sa isang interview ngayong Lunes. Sinabi pa ni Solidum na may nai-record namang “steaming” mula sa northwest vent ng bulkan kung saan maaaring magkaroon din ng pagsabog.


Ang mga munisipalidad ng Juban, Casiguran, at Irosin ay apektado ng ashfall dahil sa Bulusan Volcano, ayon pa kay Solidum.


Nagbabala naman ang opisyal sa mga residenteng naninirahan malapit sa mga ilog sa posibleng pagkakaroon ng lahar, sakaling bumuhos ang malakas na ulan.


“’Yung mga bahay po na nasa gilid ng mga ilog, kapag maulan po ay puwedeng maanod ang mga abo na nadeposito sa gilid ng bulkan at magkaroon ng lahar kaya kailangan pag-ingatan din lalong-lalo na kung malakas ang ulan,” paliwanag ni Solidum.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page