top of page
Search
BULGAR

Sa mga lugar na bawal paradahan

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 8, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang motorista na dalawang beses nang nakaranas na ma-tow ang sasakyan sa barangay ng aking live-in partner. Ang una ay dahil sa pumarada diumano ako malapit sa intersection habang ang pangalawa naman ay nangyari nang pumarada diumano ako sa harapan ng lagusan ng sasakyan ng mismong kapitbahay ng aking partner. Sa parehong pagkakataon ay magdamag ko lang naman iniwan ang sasakyan ko sa lugar para samahang matulog ang aking nagdadalang-tao na partner. Nilapitan ko ang opisyal ng barangay para kausapin dahil nakakahalata na ako na tila pinag-iinitan ang sasakyan ko. Ang sabi nila ay illegal parking ang ginawa ko at bawal diumano iyon sa batas kahit na pinaliwanagan ko na iniiwan ko lang naman pansamantala sa gabi dahil nagbabantay ako ng buntis. Maituturing ba na illegal parking ang ginawa ko? May sinasabi ba talaga ang batas sa mga lugar na hindi maaaring paradahan? Sana ay mapaliwanagan ninyo ako. Salamat! Pagpalain nawa kayo ng Diyos! - Chris


Dear Chris,


Bilang kasagutan sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act No. 4136 (RA No. 4136) na kilala bilang “Land Transportation and Traffic Code.” Nilalaman ng batas na ito ang mga patakaran at panuntunan na may kinalaman sa batas trapiko at paggamit ng mga sasakyan.

Kaugnay sa iyong hinaing, binibigyang kahulugan ng batas ang parking o pagparada bilang pagpapatigil ng isang sasakyan sa tabi o dulo ng kalsada para manatiling nakatigil sa loob ng makabuluhang tagal ng panahon. (Article II, Sec. 3(L)) Taliwas sa iyong paliwanag sa barangay, malinaw na pagparada ng sasakyan ang iyong ginawa. Batay sa kahulugan ng nabanggit na batas at sa mismong paliwanag mo, iniwan mo nang magdamag ang iyong sasakyan upang samahang matulog ang iyong partner na siyang dahilan para ituring na pagparada ng sasakyan ang iyong ginawa.


Upang malaman kung ang ginawa mong pagparada ng sasakyan ay maituturing na ilegal, kailangang sunod na tukuyin kung ano ang mga lugar na itinatakda ng batas na bawal paradahan. Ayon sa batas:


“Section 46. Parking prohibited in specified places. - No driver shall park a vehicle, or permit it to stand, whether attended or unattended, upon a highway in any of the following places:

(a) Within an intersection

(b) On a crosswalk

(c) Within six meters of the intersection of curb lines.

(d) Within four meters of the driveway entrance to and fire station.

(e) Within four meters of fire hydrant

(f) In front of a private driveway

(g) On the roadway side of any vehicle stopped or parked at the curb or edge of the highway

(h) At any place where official signs have been erected prohibiting parking.” (Sec. 46, RA 4136)


Makikita sa nabanggit na probisyon ng batas na kasama ang mga intersections at pribadong driveways sa mga lugar na ipinagbabawal na paradahan ng sasakyan. Dahil dito, lubos na maituturing na illegal parking ang iyong ginawang pagparada sa mga nabanggit na lugar. Dagdag pa rito, hindi legal na dahilan ang nabanggit mong pagsamang matulog sa iyong buntis na partner dahil malinaw at hayagang ipinagbabawal ng batas ang ginawa mong maling pagparada maging sa ano pa mang dahilan. Kailangan mo rin maintindihan na bukod sa abalang idinudulot ng iyong maling pagparada ng sasakyan ay mananagot ka rin sa batas kung patuloy kang paparada sa maling lugar na siyang dahilan kung bakit ilang ulit nang na-tow ang iyong sasakyan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page