ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 1, 2023
Isang pagkakataon para sa ating mga Pilipino, lalo na ang mga manggagawa sa iba’t ibang sektor, ang pagsapit ng panahon ng Undas para makapagpahinga.
Dahil isa ang All Saints’ Day sa ating mga official holiday kasunod ang All Souls’ Day, sama-sama nating gunitain ang tunay na layunin ng dalawang okasyon na ito — ang magdasal at makadalaw na rin sa himlayan ng ating mga pumanaw na mahal sa buhay — na isa sa mga tradisyon natin.
Isa rin ito sa maituturing na oportunidad para makapiling at makasama ang iba pa nating mahal sa buhay na nasa malalayong lugar. Karamihan sa atin ay nagsasakripisyong umuwi sa probinsiya para makasama ang mga kamag-anak. Sinasamantala na rin nila ang pagkakataon na mabisita ang mga kaibigan, at makapaglibot sa lugar na kanilang kinalakihan. Ang mga ganitong aktibidad ay maituturing na oportunidad upang makapagpahinga, maalagaan ang ating sarili, at mabigyan ng oras ang ating pamilya.
Gayunpaman, ang pinakaimportante sa okasyon ng All Saints’ Day ay ang pagdarasal at pagpuri sa mga santo at martir na nagsisilbing inspirasyon sa ating pananampalataya.
Anuman ang ating relihiyon o paniniwala, nawa’y maisapuso natin ang mga aral ng kabutihan at serbisyo sa kapwa na ipinamulat sa atin sa okasyon na ito na susundan naman ng ating pagdalaw sa himlayan ng ating mga mahal sa buhay at ang pag-aalay sa kanila ng panalangin para sa lalong ikatatahimik ng kanilang kaluluwa sa paggunita ng All Souls’ Day.
Sa okasyon na ito, bigyang-diin natin ang halaga ng mga aral na mapupulot natin mula sa mga kuwento tungkol sa buhay ng ating mga itinuturing na santo at martir na puwedeng maging gabay sa pagiging tamang ehemplo pagdating sa pagseserbisyo at pagmamalasakit sa kapwa.
Gawin din nating maayos at mapayapa ang araw na ito bilang respeto sa sagradong okasyon ng pagbibigay-puri sa pananampalataya ng bawat isa.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, ipinaaalala ko na ingatan din ang ating kalusugan habang kapiling ang ating mga mahal sa buhay. Umaapela rin tayo sa ating mga law enforcers na tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino, lalo na sa mga simbahan, sementeryo, mga terminal at iba pang lugar na maraming tao. Dahil magkakasunod ang mga araw na walang pasok ang mga kabataan, siguraduhin nating protektado ang mga bata at ang kanilang buong pamilya.
Samantala, noong October 30 ay isinagawa ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Isa tayo sa milyun-milyong Pilipino na pumila sa mga presinto para bumoto. Malaki ang papel ng mga barangay officials dahil sila ang unang nilalapitan ng mga residente kapag kailangan ng tulong. Sila rin ang unang tagapagpatupad ng mga programa ng pamahalaan lalo na sa paghahatid ng ayuda, pag-alalay sa iba’t ibang sektor, at pagsagip sa panahon ng kalamidad at sakuna. Malaki ang ating pasasalamat sa mga barangay officials dahil katuwang sila ng ating tanggapan tuwing mayroon tayong relief activities at iba pang programa.
Sa mga nagwagi, tuparin ninyo ang inyong tungkulin nang buong katapatan dahil public office ang inyong pinasukan. Public service, public office is a public trust po iyan. Huwag ninyong sayangin ang ibinigay na tiwala ng ating mga kababayan sa inyong lahat. Sa mga SK naman, kinabukasan kayo ng ating bayan at malayo ang inyong mararating basta unahin lang ninyo lagi ang pagmamahal at may malasakit na pagseserbisyo sa ating mga kababayan.
Iyan ang lagi nating tatandaan — interes ng tao, interes ng bayan. Lagi naman tayong handang sumuporta sa ating barangay at SK officials sa ating kapasidad bilang senador, at sa abot ng ating makakaya.
Mahalaga na nakapili tayo ng mga kandidatong tunay na nagmamahal at may malasakit sa kapwa Pilipino lalo na sa mga mahihirap. Ngayong tapos na ang eleksyon, magkaisa tayo para sa ikabubuti ng ating mga komunidad. Sa mga nahalal ng taumbayan, isapuso ninyo ang inyong gagampanang tungkulin at unahin ninyo ang kapakanan ng mga mahihirap at pinakanangangailangan.
Sa mga natapos na ang termino, sa mga magsisimula pa lang ang termino, at sa mga patuloy na magsisilbi sa kanilang mga komunidad, salamat sa inyong dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
Tulad ng ating pagbibigay-puri sa mga santo, martir at mga namayapa na ngayong panahon ng Undas, nawa’y maging inspirasyon tayong lahat kung ano ang tunay na pagmamalasakit at pagseserbisyo sa kapwa sa anumang kapasidad na ibinigay sa atin ng ating Diyos. Ito ay dahil ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments