ni Mary Gutierrez Almirañez | June 6, 2021
Naiturok na ang 85% sa 1.5 million doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na nakatakdang mag-expire sa ika-30 ng Hunyo, ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje.
Aniya, "Halos wala na kaming ituturok. We have set the guidelines, sana wala nang expiry ng June 30.” Ilalaan naman aniya sa second doses ang natitirang 500,000 doses na nakatakdang mag-expire sa Hulyo.
Samantala, iginiit ni Philippine Red Cross Chairman Senator Richard Gordon sa publiko na ‘bawal ang tanga’ pagdating sa bakuna kontra COVID-19.
Sabi pa ni Gordon, "Kailangan talaga, magpabakuna kayo. Bawal ang tanga. Kung 'di kayo magpapabakuna, du’n na lang kayo sa bahay habambuhay, 'wag kayong lalabas."
"Kailangang gampanan n'yo ang tungkulin n'yo sa inyong sarili at kamag-anak sa bahay n'yo, at mga makakausap ninyo kung kayo ay lalabas... I’m not going to pull my punches. Bawal ang tanga, bawal ang tamad, magpabakuna kayo," dagdag pa niya.
Sa ngayon ay iba’t ibang pakulo na ang ginagawa ng lokal na pamahalaan para lamang mahikayat ang publiko na magpabakuna. Maging ang mobile at drive-thru vaccination ay isinasagawa na rin upang mapabilis ang rollout.
Tinataya namang 5.38 million indibidwal na ang nabakunahan laban sa virus. Kabilang dito ang 1.2 million na fully vaccinated o nakakumpleto sa dalawang turok, at ang 4,088,422 indibidwal na nabakunahan ng unang dose.
Comentários