top of page
Search
BULGAR

Sa Marso 10-12... 1.8 M seniors, target na bakunahan sa 4th nat’l vax drive – DOH

ni Lolet Abania | March 6, 2022



Target ng gobyerno na mabakunahan ang tinatayang 1.8 milyon senior citizens sa buong bansa sa ikaapat na bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” national vaccination drive ngayong buwan, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa isang interview ngayong Linggo, sinabi ni DOH Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Dr. Myrna Cabotaje na ang Bayanihan, Bakunahan 4 ay isasagawa sa Marso 10, 11 at 12, at isasama na ang mga bahay-bahay at pinagtatrabahuhan sa ngayon.


Magiging prayoridad sa ika-4 na bugso ng nationwide vaccination drive ang mga senior citizens na hindi pa nakakumpleto ng kanilang primary dose series at iyong mga nakatakda para sa booster shots.


“Ang total na second dose, ‘yung makamit na second dose ng ating A2 o senior citizens, tsaka mga booster, naglalaro sa 1.8 million ang tinitingnan nating kayang-kayang gawin dapat ng ating mga local government units (LGUs) katuwang ng lahat ng ahensya at private sector,” sabi ni Cabotaje.


Aminado naman si Cabotaje na bumagal ang pagbabakuna ng mga LGUs nitong nakalipas na linggo, kung saan nasa 300,000 indibidwal lamang ang nabakunahan kumpara sa mga nauna na 1 milyon hanggang 1.5 milyong Pinoy ang naturukan ng COVID-19 vaccine.


Aniya, ilan din sa mga indibidwal ay nawalan ng tinatawag na sense of urgency pagdating sa pagtanggap ng booster shots.


Gayunman, ayon kay Cabotaje, pabibilisin nila ang pagbabakuna para sa mga primary series at booster shots bago magsimula ang campaign period para sa mga kandidatong tatakbo sa pagka-congressman at mga local elective posts sa Marso 25.


“From now up to that time, bilis-bilisan natin. Ang gagawin nating estratehiya starting with our NVD part 4 ay mas contextualized at granular ika nga. Ngayon, aaralin natin ano ba ang sitwasyon ng mga barangay, ng ating munisipyo, ng ating probinsya. Saan ba siya nagkukulang?” ani Cabotaje.


Binanggit naman ng opisyal na magpo-focus ang pamahalaan sa pagbabakuna ng booster shots sa mga lugar na naabot na ang 70% target population, habang mga primary series sa mga lugar na mababa ang vaccine rates.


Tiniyak din ni Cabotaje na sapat ang mga suplay ng mga bakuna sa bansa, kung saan aniya, nalampasan pa ang mga vaccine donations ng ibang mga bansa.


“We have enough stocked vaccines. Ang kulang po tayo ay ‘yung [pang] five to 11 [years old]. Halos five million [doses] pa lang ang dumadating. Fifteen million [doses] po ang inorder natin and we are adding additional vaccines later. In tranches, hindi naman sabay-sabay ang dala niya. We will also need Pfizer and Moderna vaccines for our 12 to 17 [years old], kasi ayon lang naman ‘yung may EUA (emergency use authority),” sabi pa ni Cabotaje.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page