ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 16, 2022
Heto na naman ang super bigtime oil price increase. Santisima! Sobrang taas na ng bilihin, mas tataas pa dahil sa pagsirit ng mga produktong petrolyo.
Abah, eh hindi biro ang pagsipa ng presyo mula sa kada litro ng diesel na P12.20 hanggang P12.30, P7 sa kada litro ng gasoline, at mula P9.70 hanggang P9.80 sa kada litro ng kerosene!
At mas nakakapangamba ang pagtaya ng Department of Energy na posibleng sumipa sa isandaang piso ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo kapag 'di pa rin humupa ang pagtaas ng presyo ng krudo sa world market dahil sa krisis sa Ukraine.
Pambihirang buhay ito, eh wala nang makakabiyahe n'yan lalo na 'yung mga namamasada ng mga pampublikong mga sasakyan! Juicekolord, saan na tayo pupulutin dahil tiyak na ang epekto nito ay mas pagtaas pa ng presyo ng mga bilihin.
Eh, baka rin matengga na lang ang karamihan sa ating mga kababayan sa kani-kanilang bahay dahil 'di na keri ang makapagpakarga ng super-mahal na gasolina! Paano na 'yung mga pumapasok? Juskopo!
IMEEsolusyon sa napakamahal na gasolina, abah, eh magtipid-tipid na tayo 'pag may time. Lahat ng klaseng pagtitipid lalo na 'yung sa mga nagtatrabahong may mga sasakyan. IMEEsolusyon, na kaysa parati tayong naka-kotse, paminsan-minsan mag-commute naman! Mag-jeep, mag-bus o mag-MRT! Ganyan talaga para makatipid no!
O kung meron naman kayong mga motorsiklo, eh mas 'di hamak na makakamura dito kesa kotse at mas mabilis pa ang biyahe, basta siguruhin lang na maingat kayong magmaneho. Eh, kung uubra ba naman ang mga e-bikes eh bakit hindi, gamitin na 'yan!
At 'yung mga malalapit naman ang mga papasukan, abah, eh ano pa nga ba ang ginagawa ng mga bisikleta! Nagawa na natin ito noong may pandemya di bah! Oh di ibalik natin! Mamisikleta na at naka-exercise na, nakatipid pa!
Pakiusap po sa mga LGUs na pakiayos na lang po ang mga bicycle lanes sa mga nasa highway. Kung wala pa eh plis lagyan n'yo naman po at pati barandilya na para na rin sa kaligtasan ng ating mga kababayan na namimmiskleta. Remember, noong kapanahunan ng aking tatay na si Apo Marcos, abah eh may kasabihan, sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan!
At para naman sa mga malalapit ang mga lugar na pinapasukang trabaho, abah eh maglakad na lang tayo! Naka-exercise ka na, nakatipid ka pa! Pero magbaon na po tayo ng ekstrang damit, pamunas ng pawis, at sabon na panghilamos. Di bah!
At isa pang IMEEsolusyon eh 'yung sistemang work-from-home dahil sa pandemya, eh ituloy-tuloy na muna natin 'yan habang pataas nang pataas ang presyo ng gasolina. Nakakatipid na sa pasahe, nakakaginhawa pa at maiiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Itodo na natin ang lahat ng katipiran sa mahal na presyo ng gasolina! Tiyaga-tiyaga lang muna tayo habang may krisis, para naman ang matitipid natin sa gastusin sa gasolina, eh mailaan na lang sa pangkain at iba pang pangangailangan sa ating pamamahay! Di bah!? Basta katipiran, gayahin kaming mga Ilocano! Agree?!
Comments