ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 23, 2022
Kung maganda ang mismong pundasyon ng mga guro, inaasahang dekalidad din ang ibibigay nilang klase ng pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral. Ito ang matagal na nating pinanghahawakan bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. Kaya naman, ikinagagalak ng inyong lingkod ang pagsuporta ng Commission on Human Rights (CHR) sa ating panukalang batas na Excellence in Teacher Education Act upang matugunan nang husto ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Tulad ng ating naging pahayag, sinabi ni CHR Executive Director Atty. Jacqueline de Guia na ang mga guro ang daan upang magtagumpay ang ating mga estudyante sa kanilang pag-aaral. Kaya naman sa unti-unting pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa mga pagsubok na dulot ng pandemya, mahalaga na matutukan na ito sa lalong madaling panahon.
Sa pagpasok ng bagong pamunuan ng Department of Education o DepEd, hinihimok ng inyong lingkod na tiyakin ang dekalidad na edukasyon at training o pagsasanay para sa mga guro. Dapat gawing prayoridad ng DepEd ang agaran at epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713). Layon nitong naturang batas na patatagin ang Teacher Education Council (TEC) at iangat ang kalidad ng training at edukasyon ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sa tuluyang makapasok sa mga paaralan upang magturo.
Kasunod ng mahigit 61% boto na kanyang natanggap noong nagdaang halalan, kumpiyansa tayo na ang susunod na Kalihim ng DepEd na si Vice-President-elect Sara Duterte-Carpio ay may political capital upang ipatupad ang mga repormang tulad ng Excellence in Teacher Education Act. Sa ilalim ng batas, ang kalihim ng DepEd ang magiging Chairperson ng TEC, habang Vice Chairperson naman ang Chairman ng Commission on Higher Education o CHED.
Kailangan natin ng political capital at political will sa mga repormang ipatutupad natin. Ngunit ang political capital ay kailangan nating gamitin nang husto upang mailunsad ang mga repormang nakasaad sa Basic Education Development Plan (BEDP) 2030. Ang BEDP 2030, na isang roadmap na inilunsad ng DepEd upang maghatid at mag-angat ng dekalidad na edukasyon sa bansa ay naaayon sa Excellence in Teacher Education Act.
Minamandato ng naturang batas ang TEC na magtalaga ng mga pamantayan sa mga programa sa teacher education. Ito ay upang matiyak ang matibay at transparent na ugnayan sa pagitan ng teacher education programs at professional standards para sa mga guro at mga school leaders, pananaliksik at international best practices. Paigtingin din ng batas ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, CHED at Professional Regulation Commission (PRC).
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Hozzászólások