10-anyos, paulit-ulit nag-seizure at namanas ang katawan bago namatay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 19, 2021
Kapag ang bata, kahit sa murang edad pa lamang ay nakikitaan na ng galing o husay, hindi maiwasang magkaroon ng magaganda at malalaking pangarap ang kanyang mga magulang para sa kanya. Ganito sina G. Jose Ednalaguim at Gng. Mylin Echon sa kanilang anak na si Philip Jude E. Ednalaguim. Anang mag-asawa, “Marami kaming magagandang pangarap para sa aming panganay na si Philip. Malaki ang tulong niya sa aming mag-asawa dahil siya ang nagbabantay ng aming maliit na bakery kapag wala kami.”
Dagdag pa rito, bukod sa mabait at matalino rin diumanong bata si Philip, siya ay palalaro ng basketball at badminton. Subalit ang anak nilang ito na maaaring maging pastry chef o star athlete balang-araw ay hindi na nagkaroon ng pagkakataon na tumupad ng mga pangarap ng kanyang mga magulang at higit sa lahat — maipagpatuloy ang sarili niyang kuwento at kasaysayan.
Si Philip ay 10-anyos nang namatay noong Hunyo 30, 2017, at siya ang ika-52 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Philip ay unang naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 16, 2016, at pangalawa noong Enero 30, 2017 sa kanilang eskuwelahan sa Zambales. Narito ang pahayag ng kanyang mga magulang hinggil sa pagpayag nila sa pagpapaturok ng nasabing bakuna para sa kanilang anak:
“Kami ay pumayag mabakunahan si Philip ng bakuna kontra dengue gawa ng lahat naman sila sa kanilang eskuwelahan ay mababakunahan, kaya panatag kaming siya ay maturukan. Isa pa, hangad namin na mapabuti ang kalagayan niya.”
Nakitaan si Philip ng kanyang pamilya ng pagbabago sa kanyang kalusugan noong Hunyo 25, 2017. Nag-umpisang mawalan ng ganang kumain si Philip at siya rin ay tumamlay. Bihira na rin siyang lumabas ng bahay dahil palaging natutulog. Ipinagtaka ito ng kanyang mga magulang dahil palalaro diumano siya noon. Tinanong nila si Philip kung ano ang nararamdaman niya, subalit wala naman siyang sinasabi. Matapos ang tatlong araw, noong Hunyo 28, 2017, madaling-araw ay biglang nag-seizure si Philip, kaya dinala siya sa isang ospital sa Zambales para malapatan ng paunang lunas. Nagtagal sila sa nasabing ospital nang mga humigit-kumulang limang oras bago inilipat sa ibang ospital sa Zambales matapos dumating ang ambulansya ng kanilang barangay.
Tulog siya nang ilipat siya at pagdating nila roon ay nag-seizure siyang muli. Matapos siyang lapatan ng lunas, naging maayos siyang muli, pero napansin ng kanyang mga magulang na namanas ang kanyang katawan. Dalawang araw lang siya roon dahil inilipat siya sa isang ospital sa Olongapo City. Pagdating doon ay sinabihan sila na lalagyan si Philip ng catheter dahil ‘yun na lamang ang maaaring gawin para sa kanya. Ginawa naman lahat ng mga doktor ang sa tingin nila ay makakaya nila, pero bumigay din ang musmos na katawan ni Philip at siya ay binawian ng buhay noong Hunyo 30, 2017.
Narito ang naging pahayag ng mga magulang ni Philip sa kanyang pagkamatay:
“Malaking palaisipan sa amin ang kanyang biglaang pagkamatay, sapagkat wala naman kaming nalalaman na sakit ni Philip. Hanggang bandang December, 2017 ay ibinalita sa telebisyon ang ginagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa Dengvaxia. Sa aming pakikinig sa mga balita, naintindihan namin kung ano ang pinagdaanan ni Philip dahil parehas ang sintomas na nakita namin sa kanya at sa mga batang nababalitang nabakunahan ng Dengvaxia at namatay.
“Maayos ang kalusugan ng aming anak bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Malusog siya at wala siyang idinadaing na sakit sa kanyang katawan magmula nang bata siya. Kung mayroon man siyang karamdaman ay pangkaraniwang ubo at sipon lamang. Hindi kapani-paniwala na sa loob lamang ng halos isang linggo ay babawian ng buhay si Philip. Masama ang loob naming mag-asawa sa mga taong nagturok ng Dengvaxia vaccine.”
Kasama sa ikinasasama ng loob nina Mang Jose at Gng. Mylin ang kawalan ng pagpapaliwanag tungkol sa nasabing bakuna na itinurok sa kanilang anak. Bago ito nabakunahan, wala rin diumanong blood testing o screening na naganap upang malaman kung maaaring mabakunahan ng Dengvaxia si Philip. Ang mga kaugnay ritong safety protocols ay nararapat sanang naisagawa, lalo pa’t hindi pa nagkakaroon ng dengue si Philip. Naniniwala sina Mang Jose at Gng. Mylin na may naganap na kapabayaan sa pagbabakuna kay Philip. Anila:
“Kung hindi nabakunahan si Philip ay nabubuhay pa sana siya ngayon at maipagpapatuloy pa namin ang mangarap na makaahon kami sa kahirapan. Kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”
Inilapit nila sa PAO, sa inyong lingkod at sa PAO Forensic Laboratory Division ang laban nila sa naganap na kapabayaan at trahedyang sinapit ni Philip. Ang kaso ni Philip ay kabilang na ngayon sa mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia na aming pinagsisikapan na mabigyan ng katarungan.
Comments