ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 28, 2024
CHRISTMAS MESSAGE NI EX-P-DUTERTE SA MGA DAVAOENO NA HUWAG SILANG ABANDONAHIN, TILA INDIKASYON NA TATALUNIN NG PAMILYA NOGRALES ANG KANYANG PAMILYA SA ELEKSYON -- Sa nakaraang Christmas message ni ex-P-Duterte, kandidato sa pagka-alkalde ng Davao City, ay nanawagan siya sa mga kababayan niyang Davaoeno na huwag daw siyang abandonahin o talikuran sa 2025 midterm election, pati ang kanyang mga anak na sina Mayor Baste Duterte, kandidato sa pagka-vice mayor at Davao City 2nd District re-electionist Rep. Paolo Duterte at kanyang mga apo na sina Omar Duterte, kandidato sa pagka-kongresista ng 1st District ng Davao City at Rigo Duterte, kandidato sa pagka-konsehal ng lungsod.
Sa totoo lang, makahulugan ang Christmas message na iyan ng dating presidente kasi tila kabado siya na talunin sa eleksyon ng pamilya Nograles ang mga kandidatong Duterte sa darating na halalan, period!
XXX
DAHIL SA MAHINANG KOLEKSYON NG BUWIS, DAPAT SIBAKIN NA NI PBBM SINA FINANCE SEC. RECTO, BIR COMM. LUMAGUI AT CUSTOMS COMM. RUBIO -- Inanunsyo ng Bureau of Treasury (BOT) na nitong nakalipas na November 2024 ay kinapos ng P214 billion ang pondo ng pamahalaan sa kadahilang mahina o mababang koleksyon sa buwis ng gobyerno.
Dahil diyan, asahan nang maraming proyekto at programa ng gobyerno ang matetengga.
Kung ganyan kahina ang diskarte nina Finance Sec. Ralph Recto, Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. at Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa pagkolekta ng buwis, ang dapat gawin ni PBBM ay sibakin na niya sa puwesto ang tatlong government officials na ito, boom!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO AT KAMARA KUNG BAKIT KINAPOS NG P214B ANG PONDO NG MARCOS ADMIN -- Sa totoo lang, kataka-taka kung bakit kinapos pa ng P214B ang pondo ng Marcos administration dahil ubod na nang laki, sa halagang P5.768 trillion ang naipasang national budget ngayong year 2024.
Dapat imbestigahan ito ng Senado at Kamara, kasi baka ang ibang budget ngayong year 2024 ay ibinulsa na ng mga “buwaya” sa gobyerno, buset!
XXX
KUNG MAY DANGAL SI HARRY ROQUE, DAPAT HINDI SIYA UMESKAPO PALABAS NG ‘PINAS AT SANA HINARAP NIYA ANG CONTEMPT AT MGA KASONG ISINAMPA SA KANYA -- Sabi ni former presidential spokesman Harry Roque ay hindi raw siya papayag na dungisan ang kanilang dangal ng mga taong wala raw dangal.
Aba teka, may dangal pa bang natitira sa kanyang sarili si Roque? Kasi kung totoong mayroon siyang dangal, dapat ay hindi siya umeskapo palabas ng ‘Pinas, nagtago sa ibang bansa, at sana ay hinarap niya ang mga taga-Quad Committee ng Kamara at sana hinarap din niya ang kasong qualified trafficking in person na isinampa sa kanya sa Dept. of Justice (DOJ) kaugnay sa pagkakasangkot niya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, period!
Comentários