ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | May 8, 2022
‘Nanay’ ang tawag ng mga taong malapit at nakakakilala sa tunay niyang pagkatao sa batikang manunulat, online host at vlogger na rin ngayon na si Cristy Fermin at lahat naman ng tinatawag niyang ‘anak’ ay ipinaglalaban niya hanggang dulo.
Maraming netizens ang may ayaw kay Nanay Cristy, lalo na kapag may napipitik o ibinabalitang mga artista na hindi kagandahan ang ugali o ginawa, tiyak na kaliwa’t kanan ang bashing sa mababasang komento.
Aminado naman ang pinakamatinding Marites ng showbiz na hindi siya perpektong tao, lalo na sa mga nasasaktan niya, inihihingi niya ito ng paumanhin dahil lahat ay trabaho lang. Pero para sa mga batang inaruga at nabigyan niya ng liwanag sa buhay ay perpekto siya bilang INA.
Malapit si ‘Nay Cristy sa mga taong marunong manindigan, sa mga taong marunong tumulong sa kapwa, sa mga taong hindi nang-iisa at patas lumaban at higit sa lahat, sa mga taong sobrang mahal ang pamilya higit kaninuman.
Kaya namin ito naikuwento ay dahil sobra kaming pinaiyak ni Nanay Cristy habang pinapanood namin ang Showbiz Now Na YouTube channel nila nina Romel Chika at Morly Alinio na ang pinag-uusapan ay tungkol sa mga batang ipinamigay ng magulang dahil hindi na kayang buhayin.
Ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang isa sa topic nila dahil hanggang ngayon ay hindi sila nag-uusap o nagkikita nang mata-sa-mata ng itinuring niyang anak na si Lotlot De Leon dahil sa problemang personal. Pero sina Matet, Kiko at Kenneth na hindi rin galing sa sinapupunan ng aktres ay maganda ang relasyon sa kanilang ina.
Nabanggit din sina Senadora Grace Poe, na alam naman ng lahat na dinala rin kina Da King Fernando Poe, Jr. (SLN) at Ms. Susan Roces, at Ai Ai delas Alas, na lumaki sa kanyang tiyahin.
Sabi nga ni Nanay Cristy, “Dinadakila po namin ang mga nanay na kinagisnan ng mga batang dinala sa kanila, mabuhay kayo talaga. Hindi po ganu’n kadali na magmahal ng batang ni gapatak ng dugo ay wala tayong koneksiyon, pero dahil sa maganda nating puso ay nakagagawa po tayo ng milagro para pagtagumpayin ang ating kombinasyon.”
Nasambit ito ni ‘Nay Cristy dahil may dalawang anak siyang hindi galing sa kanyang sinapupunan, pero sobrang mahal na mahal niya ang mga ito at ipinagtapat niya ito sa mga tunay niyang anak.
Sabi naman ni Morly tungkol sa mga nanay, “At itong mga taong ito ang dakila. Dakila sila kasi kahit anong sabihin ng mga tao ay ibibigay niya sa hindi niya kadugo at iyon ang isipin ng mga bata, partikular na ‘yung mga hindi tunay na anak ng magulang, at higit ninyo silang mamahalin.”
“Naiyak naman ako,” saad ni Nanay Cristy na namumula ang mga mata.
Dagdag pa, “May alam akong ganyan kasi sa mismong mga anak ko. May dalawa po akong anak na hindi ko rin po ipinagdalantao, hinugot ko po sa puso ko.
“Inialok po ‘yun sa akin, hindi ko hinanap, parang may destiny ‘yan, eh.
“'Yung isa kasi, lalaki, anak ng kaklase ko nu’ng college. Ako nagpapa-checkup kay nanay (ng bata), ako ang nagdadala sa doktor hanggang sa nanganak. Nu’ng kukunin ko na ‘yung bata, unang araw pa lang, nagpalabas na siya (nanay ng bata). Sabi ko, ‘Kapag bumaba ka ng van, ‘wag kang lilingon kasi masasaktan ka. Nakatabi mo na siya, eh.' Eh, pagbaba, lumingon, Diyos ko, ‘yung bata, nakipagpalakasan ng iyak.
“'Yun namang babae ko, ‘yung bunso ko, itinawag ‘yan sa akin ni Jimi Escala (dating manunulat), may radyo ako sa DZMM. Pinapunta ko si Tina (personal assistant ko) sa Tondo. Ibinigay sa kanya ang bata na maliit.
“Sabi ko, ang gusto kong maging pangalan ng anak ko, kundi Biyaya, Bulaklak. Ginawa kong Bulaklak Mandela, idolo ko si Prime Minister Nelson Mandela ng Africa.
“Ngayon alam mo, ang laki-laki na niya. Dati, itinatago namin sa TV ang kuwento tungkol sa mga ampon. Pero isang araw, sinabi niya sa akin na, ‘Mama, saan ninyo po ba ako ipinaglihi?' Siyempre, nag-iimbento ako, sabi ko, sa labanos. ‘Ay, kaya po pala ang puti-puti ko.’
“After ng isang buwan, muli siyang nagtanong. Sinabi ko, sa gulaman. Sabi niya, ‘Sabi mo, sa labanos. Ngayon, sa gulaman naman?’”
Hanggang sa nag-usap ang dalawang inaruga ni Nanay Cristy. Nagsabi ang kuya na ang suwerte-suwerte nila dahil natagpuan nila ang nakilala nilang ina.
“Mula noon, maluwag na, napapanood na niya ang Magpakailanman, mga MMK na ‘yan.
“
At kapag tinanong mo ang mga batang kinupkop ng ibang magulang, ‘Gusto ko lang po siyang makita, pero hindi po ako sasama, maiiwan po ako sa inyo.'
“Ako talaga, tanggap ko ito. Ang bawat bata na ipinamigay, hindi buo, meron silang hinahanap, merong missing link. Kumbaga sa puzzle, merong isang wala kaya hindi mabubuo. At oras na nakita na nila, makakaharap na sila sa mundo nang maayos,” kuwento ni Nanay Cristy.
Tinanong ni Morly kung ano ang pagkakaiba sa mga batang inaruga at sa mga tunay niyang anak.
“Puso ang nagdidikta, Morly. Ako pa nga ang nakiusap sa mga biological sons ko na 'Mas bibigyan natin sila ng pagmamahal kasi kulang sila. Bigyan natin sila ng pagmamahal at pang-unawa kasi gusto nilang mabuo,' at ginawa ng mga anak ko ‘yun.
“Kaya hanggang ngayon, nasa akin sila (dalawang inaruga) at saka mababait sila, nagkakasundo sila ng mga anak ko.
“Kaya nga gustung-gusto ko ang mga taong mapagmahal sa hayop kasi kapag kaya nating magmahal ng hayop ay mas kaya nating magmahal ng kapwa natin tao,” paliwanag ni Nanay Cristy.
At garalgal pa ang boses na kuwento nito, “Nu’ng kinuha ko sila, ito ‘yung pinakamadilim na bahagi ng buhay ko. Ang dami-dami kong problema. Sobrang bagsak talaga ako, as in sobrang bagsak. Dumating ‘yung panganay na lalaki, dumating ‘yung batang babae, 2006, pero binuksan ko ang puso ko, pagbukas, ipinasok ko silang dalawa.”
“Kaya naman super-liwanag ang buhay mo ngayon, ‘Nay,” saad ni Romel Chika.
Sabi naman ni Morly, masuwerte ang mga nakapanood ng vlog nila dahil isang saradong aklat ang binuksan ni Nanay Cristy.
“Ngayon ko lang ito naikuwento. Masarap po (sa pakiramdam) na nagdugtong po tayo ng buhay ng kapwa natin. Ipinanganak sila ng kanilang mga ina, pero ako ang nagtuloy para sila ay nandito ngayon sa atin,” saad pa ng manunulat.
At dito nasabi nina Romel Chika at Morly na ang pinaka-Marites at hinuhusgahan ng ibang tao ay nakilala na nila ang tunay na kabaitan.
Say pa ni Nanay Cristy, “Hindi po ako perpektong tao, marami akong nagawang pagkakamali sa buhay, pero nu’ng buksan ko ang puso ko kina Kevin at Bulak, may nagawa akong isang magandang bagay sa mundo.”
Hindi lang po kina Kevin at Bulak maraming nagawang magagandang bagay si Nanay Cristy kundi pati na rin sa lahat ng anak-anakan niya sa showbiz, mga manunulat at isa na kami roon.
Happy Mother’s Day, Nanay Cristy!
Comments