top of page
Search

Sa kabila ng pandemya, angat naman tayo sa sports

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 09, 2021



Lalanghap lang tayo sandali ng hangin at saglit muna nating iiwan ang pagtalakay sa COVID-19 dahil marami na sa ating mga kababayan ang bagot na bagot na sa problema sa pandemyang ito.


Pero kahit nasa kasagsagan tayo nang pakikibaka para labanan ang nakamamatay na virus ay may magagandang balita naman na talagang magtataas ng ating moral bilang Pilipino.


Nanaig ang husay ng kababayan nating Bulakenya na si Yuka Saso sa 2021 LPGA US Women’s Open Tournament. Siya ang itinanghal na 76th US Women’s Open Champion na nangibabaw sa kanyang mga kapwa naghuhusayang mga katunggali.


Ibinaon nang husto ni 2018 Asian Games double gold medalist na si Saso ang dalawang birdie sa huling apat na hole upang burahin ang apat na stroke na pagkakaiwan tungo sa pagkapit nito sa isa pang hole na nag-ungos sa kanya sa U.S. Women’s Open sa San Francisco, California.


Relax na relax ang 19-anyos na si Saso at hindi pinansin ang maagang dominasyon ng kapwa nito teenager at 17-anyos na amateur na high school junior sa New Jersey na si Megha Ganne.


Tutok na tutok ang ating pambato bago nito ipinasok ang krusyal na dalawang birdie sa natitira na apat na hole upang kumpletuhin ang ikalawang round sa total na 67.


Dahil dito ay nanatili na lamang si Ganne sa even-par 71 sa second round ng torneo na ginanap sa Olympic Club noong Biyernes at dalawang shot itong napag-iwanan ni Saso.


Si Saso ay unang nagtala ng 69 noong Huwebes bago idinagdag ang 67 sa ikalawang round na pinakitaan nito ng impresibong save par matapos ang tee shot nito ay mapunta sa malalim na damuhan sa ikatlong pagkakataon nito sa huling hole.


Medyo nag-alala ng bahagya si Saso, ngunit ginawa nito ang kanyang pinakamahusay na tira at laking tuwa nito nang magawa niyang maiahon ang bola sa fairway na medyo may kalayuan at kalagkitan ang mga damo.


Samantala si Jeoungeun Lee na 2019 champion ng South Korea ay nagawang i-birdie ang tatlo sa kanyang huling apat na hole para sa 67 at tumapos na isang shot sa likuran ni Saso sa Lake Course.


Tumambla naman ang American na si Megan Khang sa ikatlong puwesto at si Ganne naman ay sa 4-under bumagsak kaya sa kabuuan ay ang Pinoy na naman nag-uwi ng karangalan.


Hindi ba’t noong nakaraang linggo lamang ay nagtala ng bagong record ang Pinoy-pride na si Nonito Donaire, Jr. makaraang tanghalin itong pinakamatandang bantamweight champion sa kasaysayan ng boksing sa buong mundo.

Knockout sa ika-apat na round ang lyamado at wala pang talong French-Moroccan fighter na si Nordine Oubaali sa kanilang paghaharap sa Dignity Health Sports Park Stadium sa Carson, California.


Kaya nga agad tayong nagsumite ng resolusyon bilang pagkilala at pagbati sa ipinamalas na husay ng tinaguriang ‘The Filipino Flash’ dahil sa pagkakaagaw nito ng titulo bilang World Boxing Council (WBC) Bantamweight Champion na ginanap noong Mayo 29, 2021 sa nabanggit na lugar.


Siyempre panibagong resolusyon din bilang pagkilala at pagbati ang ating inihanda para naman kay Saso dahil sa ipinakita nitong husay na sa kabila ng pagiging teenager ay nakapag-uwi na ng karangalan sa bansa.


Ang ating mga atleta ay inaasahang kalahok sa 2020 Summer Olympics sa Tokyo na na-postponed dahil sa pandemya kaya nakatakda itong isagawa sa darating na Hulyo 23 hanggang Agosto 8 ng taong kasalukuyan.


Una tayong sumali sa 1924 Paris Olympics kung saan nanalo tayo ng kabuuang 10 sampung medalya, 3 silver at 7 bronze. Ang unang bronze medal ay una nating nasungkit noong 1928 sa pamamagitan ng swimmer na si Teofilo Yldefonso.


Ang pinakahuli naman nating Olympic medalist na tumangay ng silver medal sa 2016 Rio Games ay ang weightlifter na si Hidilyn Diaz at hanggang sa kasalukuyan ay pangarap pa rin natin ang makasungkit ng gintong medalya.


Sa ngayon ang Philippine Olympic Committee ay nakatakdang magpadala ng kahit 16 na atleta sa Tokyo Olympics at sa pinakahuling ulat ay anim na atletang Pinoy na ang kuwalipikado at inaasahang madadagdagan pa ito.


Nakalulungkot na kinapos ng suwerte ang ating pambato sa Windsurfing na sina Charizanne Napa, Yancy Kaibigan, Gaylord Coveta at Renz Angelo Comboy sa 2021 Mussanah Open na ginanap sa Oman noong nakaraang Abril 1 hanggang 8.


Ang ating Canoe-kayak bets ay umatras naman sa Asian Olympic Qualifier sa Thailand matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isa sa ating delegado.


Hindi na rin makalalahok ang pambato natin sa cycling na sina Daniel Caluag at Ariana Dormitoryo sa Olympic slots matapos na bumagsak ang kanilang pinananatiling world ranking para maging kuwalipikado.


Ang ating mga fencer na sina Samantha Kyle Catantan, Nathaniel Perez, Hanniel Abella, Noelito Jose, Jr., Jylyn Nicanor at Christian Jhester Concepcion ay hindi rin nakapasa sa FIE Olympic Zone Qualifying Events for Asia & Oceania na ginanap sa Tashkent, Uzbekistan noong nakaraang Abril 25 hanggang 26.


Ang ating men’s 3x3 basketball team ay bigo ring makaabante sa knockout stages ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Graz, Austria at si Patrick Bren Coo ay bigo ring makausad 2021 UCI BMX Race World Cup Rounds 3-4 sa Bogota, Colombia.


Maging ang ating pambato sa surfing ay bigong umabante sa ISA World Surfing Games sa El Salvador.


Pero dahil sa ipinakita ni Saso ay napawi ang lahat ng mga kalungkutang ito at buo pa rin ang ating pag-asa na ang mga atleta nating makalulusot sa Tokyo Olympic ay mag-uuwi ng napakailap na gintong medalya na matagal nang minimithi ng ating bansa.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page