ni Ador V. Saluta @Adore Me! | November 9, 2023
Sa YouTube vlog ni Ogie Diaz, nakapanayam nito ang dating komedyante na naging konsehal sa District 2 ng Quezon City, si Roderick Paulate.
Sa umpisa ng panayam, iginiit ni Dick na wala sa kanyang pangarap na maging public servant.
Bata pa lamang daw siya'y pangarap na nitong umarte. Hanggang sa naging child actor si Roderick at pinasok na nga rin ang hostings at nagkaroon ng sariling show, ang Dick and Carmi.
Nagpatuloy ang kanyang kasikatan hanggang sa makilala siya bilang magaling na aktor. Nakasama niya sa mga pelikula si Maricel Soriano, ang kanyang itinuturing na "inay" at best friend.
Sa rurok ng kanyang kasikatan, may ilang kaibigan na inalok siyang maging public servant. Kasi raw, iba ang tawag ng pagtulong sa kapwa, kaya't naengganyo siyang subukan ito.
Hanggang sa nahalal siyang konsehal ng Quezon City for three terms at dito na siya nagpaka-busy.
Pansamantala niyang tinalikuran ang showbiz.
Lingid sa kanyang kaalaman, ang pagpasok niya sa serbisyo publiko ang magiging daan para madungisan ang kanyang pangalan nang isangkot siya sa kaso ng pagpapasuweldo sa mga ghost employees.
Sabi ni Roderick, wala pang pinal na desisyon dahil nakaapela pa sila sa Court of Appeals.
Sa panayam ni Ogie, sabi ni Dick, "Hindi ko puwedeng dungisan ang pangalan ko. Alam ng Diyos 'yan," makahulugan nitong sabi.
Kinuha na rin nito ang pagkakataon para magpaliwanag sa isyu na diumano'y nakulong siya.
"Nagko-comment 'yung mga tao, 'Akala ko, nakakulong 'yan?'" tanong ni Ogie kay Dick.
Pinabulaanan ng komedyante na siya'y nakakulong.
"Once and for all, hindi po ako nakulong. Minsan, lagyan ko na lang kunyari 'yung, 'Di ba, nakakulong siya?' lagyan ko na lang ng naka-ganu'n [demonstrates mouth-open emoji], kasi kung sasagot pa ako, baka humaba," paliwanag niya.
"'Yung iba naman, nilalagyan ko na lang ng heart... parang ganu'n na lang. Wala na tayong magagawa, eh, hindi naman lahat nakakaintindi," dagdag pa niya.
Hindi raw niya magagawa ang pelikula nila ni Maricel, ang In His Mother's Eyes kung siya'y nakakulong.
Hindi man pinalad na makasama ang In His Mother's Eyes sa mga entries sa darating na MMFF 2023 sa December 25, mas maaga namang ipapalabas sa mga sinehan ang pelikula at 'di ito dapat palagpasin.
Komentar