ni Zel Fernandez | May 8, 2022
Mahigit 1,000 public utility vehicle (PUV) drivers ang muling napagkalooban ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa Davao City.
Tinatayang aabot sa 1,300 PUJ at taxi drivers ang tumanggap ng tig-P3,000 sa ilalim ng programa ng DSWD na Assistance to Individual in Crisis (AICS).
Ayon kay Mae Aquino, focal person ng Community Welfare Program ng CSWDO, ito na umano ang ikalawang payout ng mga PUV drivers sa Davao City na lubos na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Paliwanag ni Aquino, idinaraan sa validation ng mga social workers ng mga barangay ang pagpili sa mga benepisyaryo ng naturang programa upang matiyak na karapat-dapat silang mapabilang sa listahan ng DSWD na mapagkalooban ng ayuda.
Dagdag pa ng focal person, patuloy pa rin aniya ang pagsasagawa ng pre-listing sa mga eligible PUV drivers sa lahat ng barangay sa lungsod ng Davao, kung saan nasa mahigit 3,000 pa lamang aniya ang nakapagpasa ng kanilang mga requirements.
Samantala, target ng AICS program sa Davao City na mabigyan ng tulong-pinansiyal ang halos 8,000 mga PUJ at taxi drivers sa lungsod.
Comments