top of page
Search
BULGAR

Sa gitna ng pandemic, French Tennis Open papalo pa rin

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 7, 2020




Matapos na atakihin ng COVID-19 ang mga atleta kabilang na si Novak Djokovic sa isang charity event, tuloy ang panunumbalik ng professional tennis sa panahon ng pandemya.


Ayon sa French Tennis Federation, bubuksan na ang mga ticket offices para sa French Open na inaasahang dadaluhan ng may 20,000 manonood. Ang bilang na ito, na tatampukan ng mga bakbakan sa sa mga main courts ng Philippe-Chatrier, Suzanne-Lenglen at Simonne-Mathieu, ay tinatayang nasa 50% hanggang 60% lang ng kapasidad sa palaruan.


Sa Setyembre nakatakdang magsimula ang grandslam event na French Open. Nauna rito, kanselado na ang pagdaraos ng isa pang grandslam tourney (Wimbledon).


Matatandaang si Djokovic, ang world no. 1 tennis player, kasama sina Borna Coric, Grigor Dimitrov at Viktor Troicki, ay naglaro sa isang exhibition tennis series at lahat sila ay naging positibo sa coronavirus. Ang maybahay ni Djokovic na si Selena, pati na ang kanyang coach (Goran Ivanisevic) ay kinapitan din ng nakamamatay na virus.


Binibigyan ng unang pagkakataon ang mga kasapi na makabili ng mga tiket para sa French Open at ito ay uumpisahan sa Hulyo 9 samantalang ang pagbili ng tiket para sa publiko ay magsisimula pagkalipas ng isang linggo.


Hindi pauupuan ang mga piling espasyo bilang bahagi ng social distancing protocol. Ang mga magkakasama namang manonood ng laro ay papayagang umupo na magkakatabi pero ang mga indibidwal na magkakatabi ay hindi dapat lumagpas ng apat. Ang paggala sa loob ng venue ay pinapayagan basta't mayroong face mask ang mga manonood subalit hindi ito kailangang isuot kung nakaupo na at nanonood ng laro.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page