ni Lolet Abania | April 28, 2022
Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga botante na nakikitaan ng sintomas ng COVID-19 na manatili na lamang sa kanilang tirahan at iwasan na ang lumabas lalo na sa araw mismo ng eleksyon sa Mayo 9.
Sa isang interview ngayong Huwebes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na simula pa lamang ng pandemya ng COVID-19, lagi nang ipinapayo ng DOH na iyong may mga sintomas ng sakit ay mag-self-regulate sa pamamagitan ng pananatili sa kanilang tirahan upang maiwasan na maipasa sa iba o kumalat ang virus.
“We all know that elections and voting would be very important for every Filipino. Gusto natin i-exercise natin ‘yung right na ‘yan. Pero kapag tayo ay may sintomas na, hindi po natin pwedeng ipilit kasi you might be infecting other people,” ani Vergeire.
Subalit nilinaw ito ni Vergeire, “I just want to be clear on that. The DOH is advising people, if you have symptoms, do not go out and go to your precincts baka po kasi tayo magkaro’n ng pagkakahawa-hawaan diyan.”
Binigyan-diin pa ni Vergeire ang kooperasyon ng taumbayan hinggil dito, kung saan maaaring dumagsa ng mga botante sa mga polling precincts sa araw ng eleksyon.
Una nang ipinaalala ni Pangulo Rodrigo Duterte sa mga botante na sumunod sa minimum public health standards kapag nasa mga polling precincts sa araw ng eleksyon para hindi na magkaroon ng isa pang COVID-19 surge sa bansa, habang kinokonsidera naman dito ang hiwalay na babala ng DOH at OCTA Research sa posibleng pagtaas ng COVID-19 infections.
Gayunman, nitong Abril, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Aimee Torrefranca-Neri na pinaplano ng poll body na mag-set up ng tinatawag na “isolation polling places” para sa mga botanteng nakikitaan ng sintomas ng COVID-19 sa Election Day.
Comments