ni Lolet Abania | September 28, 2022
Plano ng Department of Transportation (DOTr) na pagandahin ang EDSA Carousel system sa pamamagitan ng paglalagay ng dagdag na bus stations, CCTV cameras, at solar panels.
Ayon kay DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor, pinag-iisipan na ng ahensiya na dagdagan ang mga bus stations sa mga lugar na maraming tao o “heavy volume areas.”
“Papalawakin ang existing stations tulad ng nasa Guadalupe, Bagong Barrio at Monumento. Bukod dito mag-i-install din tayo ng lifters sa ating mga bus stops upang mas maging accessible tayo sa senior citizen at persons with disability,” pahayag ni Pastor sa public briefing ngayong Miyerkules.
“Patuloy din tayong maglalagay ng CCTV upang ma-monitor ang ating daily operations.
At isa ring importanteng innovation ay ang pagkabit ng solar panels sa mga istasyon para maging environment-friendly ang ating source of kuryente,” dagdag ng opisyal.
Sinabi naman ni Pastor na inaasahan na ang DOTr ay marami pang bus na payagan na mag-participate sa nasabing programa.
Sa ngayon, mayroong 550 awtorisadong bus na bumabiyahe sa EDSA Carousel system, na may 13 stops.
“Tinitingnan pa kung dadagdagan pa natin lalo na sa ‘ber’ months dahil dinadagsa talaga ng kababayan ang NCR at lalong-lalo na ang EDSA busway dala ng libreng sakay,” saad ni Pastor.
Kaugnay nito, ayon kay Pastor, may mga traffic marshals din na sumasakay nang biglaan sa mga bus para matiyak na sinusunod ang mga COVID-19 protocols, gaya ng pagsusuot ng face masks, kung saan optional na ito sa mga non-crowded outdoor spaces, subalit required pa rin sa mga public utility vehicles (PUVs).
Ayon pa sa DOTr, ang EDSA busway ay nakakapagsakay ng nasa 335,000 pasahero kada araw.
Samantala, itinutulak naman ng Management Association of the Philippines (MAP) ang pagsasapribado ng busway para makatulong na mapaunlad ang public transport ng bansa.
Comments