ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 12, 2024
Sa wakas, masosolusyunan na ang matagal na nating suliranin sa job-skills mismatch dahil ganap nang batas ang ating panukalang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act (Republic Act No. 12063).
Sa ating pagpapatatag at pagpapalawak ng enterprise-based training, mapapaigting na ang kahandaan ng mga nagsipagtapos ng technical-vocational education and training (TVET o tech-voc) sa kanilang trabaho. Dahil dito, hindi na mag-aalinlangan ang TVET graduates dulot ng job-skills mismatch na lagi na lang nilang nararanasan tuwing mag-a-apply ng trabaho.
Sa pamamagitan ng batas, magiging institutionalized ang EBET framework. Sasaklawin ng EBET Program ang tech-voc training na hatid ng mga enterprises, kabilang ang mga private individual, partnership, mga korporasyon, at mga entity. Layunin din nito na patatagin at paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga programa, kabilang ang apprenticeship, learnership, at ang dual training system sa ilalim ng isang competency-based at industry-driven na EBET framework.
Bagama’t itinuturing na epektibo ang enterprise-based training sa paghasa sa kakayahan at pagtiyak sa mas mahusay na labor market outcomes, tinukoy ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM) II ang nananatiling mababang bilang ng mga mag-aaral sa nasabing klase ng programa. Kung tutuusin, una nang binalak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na taasan ang porsyento ng enterprise-based training sa 40 porsyento pagdating ng 2022 mula apat na porsyento noong 2016. Ngunit noong 2022 ay umabot lang sa siyam na porsyento ng kabuuang enrollment sa TVET ang mga enterprise-based trainees.
Sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank kaugnay sa TVET, lumalabas na bagama’t mayroong skills na hindi na masyadong kakailanganin dahil sa iba’t ibang technological advancements, nagsisilbing malaking tulong na maituturing ang pagsusulong nitong enterprise-based training dahil tinutugunan nito ang pangangailangan ng pribadong sektor.
Nakasaad din sa naturang batas na magiging mandato sa mga sektor na may kinikilalang industry boards na bumuo at magrekomenda ng mga EBET programs para sa kanilang mga industriya na aaprubahan naman ng TESDA. Aaprubahan ng TESDA ang mga inirekomendang programa sa loob ng 30 araw pagkatapos maisumite ang mga ito.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, co-chairperson ng EDCOM II, at isa sa mga may-akda ng naturang batas, patuloy nating titiyakin ang kakayahan ng ating graduates na makapagtrabaho batay sa kanilang galing at kasanayan sa tulong ng implementing rules and regulations ng ating batas.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments