ni Lolet Abania | August 26, 2022
Pumayag ang pamilya ng 52-anyos na security guard na nasawi kamakailan matapos masagasaan ng humaharurot na SUV sa Dasmariñas City, Cavite, sa isang amicable settlement sa drayber ng sasakyan, ayon sa pulisya ngayong Biyernes.
Sa isang interview kay Dasmariñas Police chief Police Lieutenant Colonel Juan Oruga, sinabi nitong ang suspek ay nakalabas na mula sa kanilang kustodiya.
“Nagkaroon sila ng amicable settlement kaya po na-release na rin ‘yung tao,” ani Oruga.
Hindi naman binanggit ni Oruga ang pagkakakilanlan ng SUV driver subalit aniya, ang suspek ay kanilang nahuli sa parehong araw na naganap ang insidente.
Matatandaan na ang security guard ay nagmamando ng trapiko nang mabundol ito ng SUV. Agad na isinugod ang biktima sa Dasmariñas City Medical Center subalit idineklara ring dead-on-arrival.
Ayon kay Oruga, kasong paglabag sa Republic Act No. 10586 o ang anti-drunk driving law ang isinampa laban sa suspek subalit kinailangan nilang i-drop ito kasunod ng settlement o kasunduan sa pagitan ng suspek at pamilya ng biktima.
“Kung may amicable settlement at notaryado at ‘yung mga kamag-anak naman talaga ay willing, walang magagawa ang pulis natin para i-pursue pa ‘yung kaso,” pahayag ni Oruga.
Comments