top of page
Search

Sa ating pagboto, isipin ang kinabukasan ng mga anak at ng bayan

BULGAR

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 6, 2022


Sa Lunes, Mayo 9, 2022 ay gagawa muli tayong mga Pilipino ng isang napakalaking desisyon. Ito na ang araw kung kailan maghahalal tayo ng mga panibagong lider ng ating bansa na gigiya sa atin sa mga susunod na taon. Umaasa ako na sa inyong gagawing desisyon, ang pinakaunang nasa inyong mga puso at isipan ay ang kinabukasan ng ating bayan, ng ating mga anak, at ng lahat ng Pilipino.


Natatandaan ko pa anim na taon na ang nakararaan nang piliin n’yo at pagkatiwalaan ang isang mayor mula sa Davao City bilang pinakamataas na lider ng Pilipinas. Ang pagkahalal kay Mayor Rodrigo Duterte bilang Pangulo noong 2016 ay nagdala ng maraming magagandang pagbabago sa ating bansa. Binasag niya ang maraming kumbensyon at tradisyon upang maipalapit ang gobyerno sa mga tao.


Sa kabila ng kawalan ng makinarya sa pang-nasyunal na kampanya noon, matagumpay niyang naitawid ang kanyang kandidatura sa pamamagitan ng tapat na pangako sa masang Pilipino na walang maiiwan sa ilalim ng kanyang panunungkulan, at ang lahat — lalo na ang mga pinakamahihirap at higit na nangangailangan nating mga kababayan — ay mararamdaman ang pagkakaroon ng ligtas, umuunlad at komportableng buhay.


Tiyak at diretso rin ang kanyang mga mensahe noon — paglilinis sa katiwalian sa pamahalaan, laban kontra sa ilegal na droga at kriminalidad, malawakang imprastruktura at maayos na gobyerno para sumigla ang mga industriya at makalikha ng maraming hanapbuhay.


Ito ang iiwang legacy ni Pangulong Duterte. Huwag nating sayangin ang magagandang mga pagbabago na naramdaman natin sa nakaraang mga taon. Tandaan natin na ang boto natin sa Lunes ay hindi lamang base sa mga personalidad na nangampanya sa atin kundi ito ay sasalamin sa magiging kinabukasan ng ating bansa at ang magiging buhay ng susunod na henerasyon.


Nasa ating mga kamay ang kapalaran ng ating bayan, mga kapwa ko Pilipino! Kaya dapat na ang ating mapipiling lider ay kayang ipagpatuloy ang magagandang nagawa ng Administrasyong Duterte. Isa na rito ang sa sektor ng kalusugan ngayong patuloy pa rin nating nilalabanan ang pandemya.


Nitong Miyerkules, Mayo 4, nasaksihan namin ni Pangulong Duterte ang inagurasyon ng bagong Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Santa Cruz, Manila, isang 6-story building na magkakaroon ng 700-800 beds na tiyak na makakatulong sa ating mga kababayan. Ililipat na rin ang Malasakit Center sa bagong pasilidad na ito mula sa lumang Fabella Hospital. Isa ito sa 151 Malasakit Centers nationwide.


Sa kabila naman ng ingay ng kampanya at pulitika ay hindi ako tumitigil sa paghahatid ng tulong sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong dahil sa iba’t ibang krisis.


Nitong Mayo 5 ay personal akong bumisita sa mga kababayan natin sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte. Pinangunahan ko ang pagkakaloob ng tulong at para alamin ang iba pang pangangailangan ng mga kababayan nating solo parents, mangingisda, senior citizens at mga miyembro ng iba pang sektor mula sa Bgy. Aumbay, Bgy. Guilon at Bgy. Tagbay.


Noong nakaraang mga araw, nagdala rin ng tulong ang aking tanggapan sa Abuyog, Leyte kung saan naayudahan ang 4,576 residenteng apektado ng Bagyong Agaton, at 1,000 namang nabiktima ng pagbaha sa Kumalarang, Zamboanga del Sur.


Nauna ring nakatanggap ng tulong ang 536 nating kababayan mula sa Samal City noong Miyerkules. Sinuportahan din ang 1,666 na mahihirap sa Macabebe, Pampanga. Namahagi rin tayo ng tulong sa iba’t ibang sektor kabilang ang 1,468 benepisyaryo mula sa San Marcelino, Zambales na kinabibilangan ng mga TODA members at vendors; mahihirap na pamilya na kinabibilangan ng 1,333 benepisyaryo sa Tanauan at 1,000 sa Alitagtag sa Batangas; at 850 pa sa Quezon, Nueva Ecija.


Sa NCR, may 500 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa Quezon City ang natulungan; at 166 pamilyang nangangailangan sa Pasig City.


Kapag naghahatid ako ng tulong, karamihan sa naglalabas sa akin ng kanilang mga hinaing ay ang mga ina ng tahanan. Sila kasi ang talagang nakadarama ng problema at bigat ng dalahin ng kanilang pamilya. Sa totoo lang po, pinipigilan ko lang ang mapaluha kapag nakikinig ako sa kuwento ng mga nanay sa mga outreach na aking pinupuntahan.


Masakit sa aking kalooban ang kanilang pagbabahagi ng araw-araw nilang pagkikibaka maitawid lang kahit sa araw na iyon ang pangkain nilang mag-anak.


Kaya sa darating na Linggo, Mayo 8, sumasaludo po ako sa lahat ng mga nanay. Happy Mother’s Day po sa inyo! Isa po kayo sa mga inspirasyon ko para patuloy na magserbisyo dahil ang tatag ng loob na nakikita ko sa inyo ang nagbibigay ng lakas sa akin para gampanan ang tungkulin bilang lingkod-bayan na iniatang ninyo sa akin.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page