top of page

Sa anyo ng vote-buying, pinakagrabe ang pormang ‘ayuda’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 29, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Talamak ang aktuwal na vote-buying sa iba’t ibang anyo.

Marami nang reklamo ang tinanggap ng Comelec.

Inaaksyunan naman!


----$$$--


Tradisyonal na ang vote-buying sa Pilipinas.

Pinakagrabe rito ay ang pormang “ayuda” na mula sa mga incumbent o nakapuwesto na kandidato. 

Hopeless case ‘yan!


-----$$$--


LEHITIMO kasi o wala umanong nilalabag na batas ang pagbibigay “pabor” sa mga botante — kahit sa porma ng ‘cash’ at sa ‘anyo’ ng ayuda.

Isinalegal ito — ng matataas na opisyal ng gobyerno na siya rin namang mga kandidato.

Malinaw na dehado ang mga hindi nakapuwesto. 


----$$$--


MAY mga pagkakataon na nasisilat din ang mga incumbent kahit ubusin nila ang pondo ng gobyerno sa pag-impluwensya sa mga botante.

Sa aktuwal, walang sapat na pondo para “bilhin” ang boto ng lahat ng botante.


----$$$--


HINDI rin nakakatiyak ang mga incumbent na kapag tumanggap ng cash ang botante ay pangalan ng incumbent ang mamarkahan sa balota.

Diyan pumasok ang “argumento” na patas-patas pa rin ang proseso — dahil “sikreto” ang pagboto.


----$$$--


IISA ang malinaw, “immoral” ang kampanyahan sa Pilipinas bagaman nakakatakas sila sa batas.

Sa aktuwal, nakasalalay pa rin sa mga botante ang “wagas na karapatan” o diskresyon kung sino ang ihahalal.


----$$$--


PAANO natin makukuwestiyon ang resulta kung mayorya ng mga botante ay nais manatili sa puwesto ang mga mandarambong?

Ibig sabihin, kahit mandambong basta’t suportado ng botante tuwing eleksyon ay puwede sa “ating batas”.

Pero, sinasang-ayunan ba ‘yan ng Konstitusyon?

Malinaw ang sagot: Hindi.


----$$$--


ANG aktuwal na Saligang Batas ay pundamental o pundasyon ng mga iba pang batas na iiral.

Walang problema sa Konstitusyon, bagkus ang problema -- ay ang “batas” na ginagawa sa Kongreso.


----$$$--


KAPOS ang talas o kamandag ng mga implementing law upang maipatupad ang itinatadhana ng Konstitusyon o ang mismong esensiya ng probisyon dito.

Halimbawa, ang mismong lehistura ay dapat nakapokus lang sa paggawa ng batas at hindi sila dapat naglalaan ng pondo para sa sarili nilang proyekto.


-----$$$--


ANG pork barrel system ay isang proseso na naglalaan ng pondo kung saan binibigyan ng diskresyon ang mga mambabatas — senador at kongresista — sa implementasyon ng proyekto.

Ang mga proyekto ay dapat eksklusibo lamang sa mga ehekutibo tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, gabinete, gobernador, mayor at kapitan ng barangay.


-----$$$--


MALINAW na malinaw na hindi ganap na naipatutupad ang Konstitusyon dahil walang “moral” ang mga gumagawa ng batas.

Nakakambal na sa demokratikong institusyon ang korupsiyon kahit sino pa ang maupo sa Malacañang.


----$$$--


ANUMAN ang kahinatnan, mas dapat sisihin ay ang mga botanteng ibinoboto pa rin kahit garapalan ang pandarambong sa kanilang lokalidad.

Kahit alam ng mga botante na “hindi marunong gumawa ng batas”, ang kanilang paboritong kandidato — isinusulat pa rin nila sa balota ang mga pangalan nito.


-----$$$--


Sa kabuuan, ang kabulukan ng burukrasya ay nagsisimula at nagtatapos mismo sa mga botante.

Mahalagang mamulat ang mayorya ng mga botante — kahit kumakalam ang kanilang sikmura!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page