ni Rohn Romulo @Run Wild | October 02, 2023
Tiyak na matindi at kapana-panabik na naman ang magiging tunggalian sa ika-anim na edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa taong ito.
Muling magtatapat sa pagka-Best Actress sina Nadine Lustre para sa Greed at Heaven Peralejo para sa Nanahimik ang Gabi.
Makakalaban nila sina Kim Chiu (Always), Max Eigenmann (12 Weeks), Janine Gutierrez (Bakit ‘Di Mo Sabihin) at Rose Van Ginkel (Kitty K-7).
Matindi rin ang bakbakan sa pagka-Best Actor dahil maglalaban sina Elijah Canlas (Blue Room), Baron Geisler (Doll House), Noel Trinidad (Family Matters), Ian Veneracion (Nanahimik ang Gabi) at JC de Vera (Bakit ‘Di Mo Sabihin) na pawang mahuhusay.
Limang pelikulang Pilipino naman ang nagmarka at nang-agaw ng eksena noong nakaraang taon ang maglalaban-laban. Nominado sa Best Film ang Bakit ‘Di Mo Sabihin, Blue Room, Doll House, Family Matters at Nanahimik ang Gabi.
Sina Marla Ancheta (Doll House), Ma-an L. Asuncion-Dagñalan (Blue Room), Real S. Florido (Bakit ‘Di Mo Sabihin), Nuel Crisostomo Naval (Family Matters) at Shugo Praico (Nanahimik ang Gabi) ang na-nominate sa Best Director category.
Hindi rin magpapahuli ang labanan nina Mylene Dizon (Family Matters), Matet de Leon (An Inconvenient Love), Althea Ruedas (Doll House), Ruby Ruiz (Ginhawa) at Nikki Valdez (Family Matters) sa kategoryang Best Supporting Actress.
Para sa Best Supporting Actor, mabigat din ang labanan nina Nonie Buencamino (Family Matters), Mon Confiado (Nanahimik ang Gabi); Soliman Cruz (Blue Room); Sid Lucero (Reroute); at Dido dela Paz (Ginhawa).
Ilan lang ito sa mga categories na paglalabanan. Kasama rin ang mga awards na ipagkakaloob sa mga artista, producers at veteran writers.
Magaganap ang 6th Entertainment Editors' Choice sa Oktubre 22, 2023 sa EVM Convention Center, 37 Central Avenue, Quezon City mula sa direksiyon ng award-winning actor at filmmaker na si Eric Quizon.
Ihahatid ng Airtime Marketing Philippines ni Tessie Celestino-Howard ang ika-anim na edisyon ng The EDDYS.
Magkakaroon ito ng delayed telecast sa NET25 sa Oktubre 28.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspapers at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis ng People's Journal.
Commentaires