ni Lolet Abania | November 20, 2021
Tiwala ang National Task Force Against COVID-19 na makakamit ng gobyerno ang kanilang target na 15 milyong indibidwal na mabakunahan sa isasagawang 3-araw na national vaccination drive kontra-COVID-19 mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
“Maganda naman ang kumpiyansa ng ating National Task Force,” ani NTF spokesperson Retired Major General Restituto Padilla sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.
“Naniniwala rin po kami na ang bayanihan spirit ay malakas at very much alive sa ating bansa. Ito lang ay makakamit kung tayo talaga ay magtutulung-tulong,” dagdag niya.
Sinabi ni Padilla na nagpahayag rin ng suporta ang mga health workers na makikiisa sa vaccination drive aniya, “very encouraging,” gayundin, palalakasin pa ng mga pribadong sektor ang kanilang pakikipagtulungan kasabay ng pagbubukas ng kanilang pasilidad para sa nationwide vaccination campaign na ito ng gobyerno.
Pinayuhan naman ni Padilla ang publiko na himukin din ang mga hindi pa bakunadong indibidwal na tanggapin na ang COVID-19 vaccine dahil aniya, ang gagawing vaccination ay makatutulong para sa economic recovery ng bansa. Plano ng gobyerno na makapag-administer ng 5 milyong vaccine doses kada araw sa 3-day vaccination.
Kommentare