ni Lolet Abania | May 19, 2022
Nakatakdang sampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at apat na pulis hinggil sa naganap na “misencounter” sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong 2021 na ikinasawi ng apat na indibidwal.
Ayon sa DOJ briefer, homicide charges ang isasampa laban sa mga PDEA agents habang direct assault charges sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Matatandaan noong Pebrero 2021, nang magkasagupa ang mga operatiba ng PNP at PDEA sa harap ng isang fast-food chain sa Commonwealth Avenue, sa Quezon City, kung saan kapwa inihayag ng dalawang grupo na may ikinasa silang lehitimong anti-drug operation sa lugar.
Nagresulta ang “misencounter” sa pagkamatay ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang informant.
Nahaharap sa homicide charges sina PDEA agents Khee Maricar Rodas, Jelou Satiniaman, at Jeffrey Baguidudol dahil ito sa pagkasawi ni Police Corporal Eric Elvin Gerado.
“After evaluation of the evidence, the Panel of Prosecutors found sufficient evidence to charge respondents PDEA agents Rodas, Baguidudol, and Satiniaman for homicide,” batay sa DOJ briefer.
Gayundin, kasong direct assault ang kakaharapin nina Police Corporal Paul Christian Ganzeda, Police Corporal Honey Besas, Police Major Sandie Caparroso at Police Major Melvin Merida.
“With respect to the injuries sustained by PDEA responders, there is sufficient evidence identifying some police officers who actually hit, strike, and maul them,” nakasaad pa sa DOJ briefer. Ang reklamo ay isasampa sa Quezon City Regional Trial Court.
Comments