top of page
Search
  • BULGAR

Sa 2 gold medals niya sa Paris Olympics… CARLOS, TODO-THANK YOU KAY CHLOE, PAMILYA ITINAKWIL NA

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 9, 2024



Showbiz News

Nang mag-guest si Carlos Yulo sa A.S.A.P. kahapon, nagpasalamat siya sa Diyos sa nakamit na tagumpay sa ginanap na 2024 Paris Olympics. Nagpasalamat din siya sa kanyang manager-sponsor na si Madam Cynthia Carrion at sa nobya niyang si Chloe San Jose. 


Pero dedma at ni hindi niya binanggit at pinasalamatan ang kanyang mga magulang. Ganu’n katigas ang puso ni Caloy at marami sa mga nakapanood ang dismayado sa kanyang inasal. 


Tuluyan na ngang nalunod sa tagumpay ang two-time gold medalist. Kinalimutan na niya ang kanyang pamilya at hindi na tumanaw ng utang na loob sa kanyang ama at ina.

Paano siya hahangaan ng ibang kabataan sa ginawa niyang pagpapabaya sa kanyang pamilya? Tanging ang nobyang si Chloe ang kanyang pinakikinggan at pinaniniwalaan.


Well, ano kaya ang magiging reaksiyon ni Carlos kapag napanood niya ang house tour na ginawa ng isang vlogger sa dati niyang tinirahan? Dito ay ipinakita ng vlogger ang maliit at masikip nilang bahay na walang kaluhu-luhong gamit. Tanging isang flat TV lang sa maliit nilang sala ang libangan ng Yulo family. 


Masaya naman ang kanyang mga kapatid na sina Eldrew at Eliza sa kanilang maliit na bahay, hindi nila ikinahihiya ang kanilang tirahan. 


Tiyak na maba-bash na naman si Carlos kapag napanood ng publiko ang house tour sa mga Yulo. Natitiis kasi niya ang kanyang pamilya na nakatira sa isang luma at maliit na bahay, samantalang siya ay may 3-bedroom condo worth P32 million. At may isa pang bahay na natanggap bilang bahagi ng kanyang premyo sa kanyang panalo sa 2024 Paris Olympics.


Kung tutuusin, puwede namang ibigay ni Carlos sa kanyang pamilya ang isa niyang bahay upang magkaroon ng maayos na tirahan ang kanyang mga magulang at kapatid. 

Ano na lang ang sasabihin ng mga taong humahanga sa kanya kung nagawa niyang tiisin ang kanyang mga mahal sa buhay, samantalang higit P100 million ang kanyang natanggap na tulong? At marami pa siyang endorsements ngayon na milyones din ang kanyang talent fee.


Well, may katapusan naman ang lahat, at hindi pang-habampanahon ang kasikatan na tinatamasa ni Carlos Yulo. Magmamarka sa lahat ang kanyang ginawang panunumbat sa kanyang inang si Angelica Yulo na inakusahan niyang magnanakaw at sinungaling.


 

MARAMI ang humanga sa kabaitan at pagiging generous ni Kim Chiu nang mamahagi ng ayuda sa ilang tindera sa isang ukay-ukay store na kanyang pinuntahan. 


Nalaman kasi ni Kim na may mga tindera sa ukay-ukay na mga estudyante at nagtatrabaho nang part-time upang kumita ng pantustos sa kanilang pag-aaral. Kaya, binigyan niya ang mga ito ng cash bilang tulong. Namigay din siya ng mga groceries at food packs. 


Naiyak sa tuwa ang mga tinderang estudyante na binigyan ni Kim ng cash bilang tulong sa kanilang pag-aaral. Gusto niyang patuloy na magsikap ang mga ito sa kanilang pag-aaral upang makamit ang goal at pangarap sa buhay.


Lagi nang ginagawa ni Kim Chiu ang pagkakawanggawa at pagtulong sa mga charity projects. Ito ang kanyang paraan upang mag-share ng blessings sa iba bilang pasasalamat sa mga biyayang kanyang natatanggap. 


 

NAGING tampulan ng biro si Iya Villania ng kanyang mga kasamahan sa 24-Oras nang i-announce niyang preggy siya ngayon with Baby No. 5. 

Sey ni Mel Tiangco, two days lang daw na nagbakasyon si Iya, nang bumalik ay buntis na. 

Depensa at pangako naman ni Iya ay talagang last na si Baby No. 5. Wala na silang balak ni Drew na dagdagan pa ang kanilang anak.


Marami naman ang humahanga kay Iya dahil parang hindi siya nai-stress sa kanyang pagbubuntis at pag-aalaga sa kanyang mga anak. Hands-on mom din siya. 


Medyo nahirapan lang siyang manganak noon sa kanilang Baby No. 4, kaya ayaw na sana niyang masundan pa ito. 

Pansin naman ng mga netizens, mas gumaganda at nagbu-bloom si Iya habang nagkakaedad. She’s 38 years old, pero mukhang hiyang sa kanyang pagiging mommy.


 

Benjie, todo-hinayang para sa anak, Kyline…

KOBE, 'DI KINAYA ANG LUNGKOT, BABU SA BASKETBALL 


Kobe Paras

HUMINTO na pala sa paglalaro ng basketball sa USA at Japan si Kobe Paras dahil hindi raw nito kinaya ang lungkot ng pag-iisa habang nagte-training. Hindi siya sanay na malayo sa kanyang pamilya.


Kuwento ni Benjie Paras, nagpaalam naman sa kanya si Kobe na hihinto muna sa paglalaro ng basketbal at naiintindihan naman ito ni Benjie. 


Gayunpaman, gusto sana ni Benjie na kahit sa local basketball team ay magpa-draft si Kobe para mahasa siya nang husto sa basketball. 


Nanghihinayang din si Benjie sa panahon na pinalilipas ni Kobe at hindi naglalaro. Kahit papaano, kumikita sana si Kobe kung kasama siya sa anumang basketball team sa Pilipinas. 


Samantala, marami naman ang nagsasabi na baka sipagin nang maglaro si Kobe ngayong in love siya at may inspirasyon. Si Kyline Alcantara ang puwedeng kumumbinse kay Kobe na balikan ang kanyang basketball career. Siya kasi ang inaasahan ng lahat na magmamana sa legacy ng kanyang ama bilang isang magaling na basketbolista.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page