top of page
Search
BULGAR

Ruta ng PUV ibinalik na, motorcycle taxi problema pa rin

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 5, 2023


Masaya ang marami nating kababayan dahil naging mapayapa sa kabuuan ang ginawa nating pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa pagpasok ng 2023.


Ngunit marami rin sa ating mga kababayan ang nakaramdam ng kalungkutan, partikular ang mga mananakay ng bus dahil nagwakas na noong nakaraang Disyembre 31 ang libreng sakay sa EDSA carousel, kaya ang unang araw ng bagong taon ay nagsimula nang magbayad ang mga mananakay sa EDSA busway.


Mahaba-haba rin ang panahon na sinagot ng pamahalaan ang pamasahe ng mga manggagawa, estudyante at iba pang pasahero na bumibiyahe ng EDSA, kaya malaking dagok ang hakbanging ito sa marami nating kababayan.


Batay sa fare matrix na inilabas ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) P15 ang minimum na pamasahe sa bus, P12 sa mga estudyante, senior citizens at persons with disability (PWD).


Aabot naman sa P76 ang kabuuang pamasahe mula Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) hanggang EDSA Monumento at may 20 percent discount naman para sa mga senior citizen, estudyante at PWDs.


Nitong nagdaang Disyembre 28, binuksan ng Department of Transportation (DOTr) ang panibagong istasyon ng bus sa Tramo, Pasay City, kaya’t sa kabuuan ay mayroong 21 istasyon ang kahabaan ng EDSA busway.


Ayon sa inilabas na datos ng DOTr, umabot sa 400,000 ang average ng pasahero sa busway ngayong holiday season at nagpahayag din ang LTFRB na mahigit naman sa 80 milyong mananakay ang napagsilbihan ng kanilang libreng sakay sa carousel.


Bagama’t malaking kawalan sa marami nating kababayan ang libreng sakay ay malaking kasiyahan naman sa sektor ng mga pampasaherong jeep ang hakbanging ito dahil labis na naapektuhan ang kanilang hanapbuhay na matagal na hindi kumita dahil mas pinipili ng pasahero ang libreng sakay.


Ngayon ay mismong ang LTFRB ang nag-apruba sa muling pagbabalik ng public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila sa kanilang pre-pandemic routes, kung saan tuwang-tuwa ang mga pampasaherong tsuper na nawalan ng hanapbuhay sa mahabang panahon.


Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2022-084, ipinag-utos ng LTFRB ang pagbabalik ng operasyon ng traditional at modernized public utility jeepney services sa kanilang orihinal na ruta bago pa magkaroon ng pandemya.


Kabilang ang utility vehicle express services sa Metro Manila Urban Transportation Integration Study Update at Capacity Enhancement Program area na epektibo na ang pagbabalik ng nalalabing PUV routes noong nagdaang Disyembre 26 lamang.


Kaya inaasahang magbabalik na normal ang operasyon ng public transport at unti-unti ay babalik na rin sa dati ang sigla ng riding public na malaki ang ipinagbago dahil sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.


Ayon naman sa LTFRB, ang hakbanging ibalik na sa dating sitwasyon ang pamamasada ng ating mga jeepney driver ay dulot ng tumataas na demand sa public transportation sa pagluluwag ng mobility restrictions.


Medyo naantala nga ang hakbanging ito dahil lahat ng sektor at ahensya ay nakabase lamang sa umiiral na public health protocols at dahil sa unti-unting pagluluwag ay nagbalik na rin sa dating sitwasyon ang kalagayan ng pampasaherong sasakyan.


Inaasahang magbabalik na rin sa orihinal na sitwasyon ang lahat at nakatakda na ring magbukas ang karagdagang 28 pang ruta sa Metro Manila, tulad ng Manila, Parañaque, Makati, Pasay, Marikina, Pasig, Makati at Quezon City.


Kasabay nito ay tiyak na maaapektuhan naman ang pamamasada ng ating mga ‘kagulong’ dahil hanggang sa kasalukuyan hindi pa plantsado sa Committee on Public Transportation ng House of Representatives ang tungkol sa pag-regulate ng motorcycle taxis.


Sa gitna ng mga alingasngas at iba pang usapin hinggil sa kalagayan ng motorcycle taxi sa bansa ay malaking pagkakataon ito para makabangon naman ang industriya ng pampasaherong jeepney na palagi na lamang laman ng mga interview dahil sa dami ng kanilang hinaing at tiyak na isa sa mga araw ay ang ating mga ‘kagulong’ naman ang hihiling na bilisan nang ayusin ang kanilang kalagayan.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page