ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Feb. 17, 2025
BG: Wiki
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang pre-medical student sa isang pampublikong unibersidad sa Maynila at tagasubaybay ng Sabi ni Doc at Bulgar newspaper. Isa akong iskolar kaya‘t kinakailangan na mapanatili ko sa mataas na antas ang aking grades.
Nabasa ko sa isang magazine na may mga halamang gamot na maaaring makatulong upang lumakas ang concentration at memorya. Partikular na binanggit doon ay ang Rosemary.
Nais ko sanang malaman kung may mga scientific research na tungkol sa epekto ng Rosemary sa memorya at kung may positibong epekto ito upang mapalakas ang memorya sa isang katulad ko na mag-aaral? May iba pa bang mga health benefit ang Rosemary?
Maraming salamat at sana‘y matugunan niyo ang aking mga katanungan. — Dexter
Maraming salamat Dexter sa iyong pagliham, mga katanungan at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang Rosemary ay isang halaman na karaniwang nakikita sa ating bansa at sa Mediterranean region. Ito ay lumalaki hanggang dalawang metro ang taas at nabubuhay hanggang dalawang taon. May katangi-tanging amoy ito kaya't ang Rosemary ay ginagamit bilang spice sa pagkain at sangkap sa mga pabango. Katulad ng Oregano at Thyme, ang Rosemary ay kasama sa mint family Lamiaceae.
Tradisyunal na ginagamit sa buong mundo ang Rosemary bilang halamang gamot para sa muscle pain, pampalakas ng memorya, pampatubo ng buhok at pampalakas ng immune system at circulatory system.
Ayon sa isang artikulo sa International Journal of Nutrition na inilathala noong June 24, 2021, kilala rin ang Rosemary bilang medicinal plant at isang food preservative dahil sa high levels ng anti-oxidant at anti-microbial properties nito. Kasalukuyan din itong pinag-aaralan bilang anti-cancer drug, anti-inflammatory at analgesic agent at hepatoprotective agent.
Ang mga katangian ng Rosemary na nabanggit ay dahil sa mataas na level ng polyphenols, flavonoids at phytochemicals nito. Partikular dito ang mataas na level ng carnosol at carnosic acid, mga anti-oxidant na dahilan kung bakit ang Rosemary ay itinuturing na isang medicinal plant.
Sa isang double-blinded randomized controlled clinical trial na isinagawa sa mga university student kung saan binigyan ng 500 milligrams na Rosemary ang mga estudyante sa loob ng isang buwan, nag-improve ang memory performance, nabawasan ang anxiety at depression at nag-improve din ang kanilang sleep quality. Mababasa ang pag-aaral na ito sa Complementary Therapies in Clinical Practice, Volume 30 na inilathala noong February 2018.
Sa isa pang randomized clinical trial sa epekto ng Rosemary sa cognitive function ng elderly population na may average na edad 75, may significant beneficial effect sa bilis ng memorya ang Rosemary sa dose na 750 milligrams. Inilathala ang research na ito sa Journal of Medicinal Food noong January 2012.
Positibo rin ang epekto ng Rosemary sa cognitive performance ng mga laboratory animal studies, ayon sa isang systematic review at meta-analysis na isinagawa ng mga researcher na pinamunuan ni Dr. SM Hussain ng City University College of Ajman sa bansang United Arab Emirates. Sa pag-aaral na ito tinawag ng mga dalubhasa ang Rosemary bilang "herb of remembrance" at isang potential na "cognition enhancer" para sa mga indibidwal na may Alzheimer's Disease. Kung nais basahin ang studies na ito, makikita ang nasabing pag-aaral sa Brazilian Journal of Medical and Biological Research na inilathala noong February 9, 2022.
Itinuturing na Generally Recognized as Safe (GRAS) ang Rosemary ng Food and Drug Administration ng bansang Amerika. Iba't ibang paraan ang paggamit ng Rosemary. Maaari itong ilagay sa pagkain habang niluluto (culinary condiment) ito, bilang tsaa (Rosemary tea) o paglanghap nito bilang Rosemary essential oil (aromatherapy). Puwede ring ihalo ang ilang drops ng Rosemary essential oil sa coconut oil o almond oil at ipahid sa balat.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Commentaires