top of page
Search
  • BULGAR

Roque, 24-oras kulong sa kamara, malamang next bilibid na

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 24, 2024


Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAPAG PATI SI JANET NAPOLES NAABSUWELTO, TAPOS NA ANG KASAYSAYAN NG PORK BARREL SCAM SA ‘PINAS -- Inabsuwelto na ng Sandiganbayan sa kasong plunder si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay sa pagkakasangkot noon sa pork barrel scam ni Janet Napoles, at bago ang pagkakaabsuwelto niyang iyan ay nauna nang inabsuwelto si Sen. Bong Revilla na may kahalintulad din na kaso.


At kapag si Presidential Legal Counsel, former Sen. Juan Ponce Enrile ay naabsuwelto rin sa kasong plunder, asahan nang next na maabsuwelto ay si pork barrel queen Janet Napoles, at kapag nangyari ‘yan, diyan na matatapos ang kasaysayang pork barrel scam sa ‘Pinas, boom!


XXX


KULONG 24-ORAS, NAPALA NI HARRY ROQUE SA KANYANG PAGSISINUNGALING -- Kinontempt ng Kamara si former presidential spokesman Harry Roque dahil sa pagsisinungaling nang hindi siya dumalo sa House hearing noong Aug. 16, 2024 dahil may pagdinig daw siya sa isang kasong hawak niya nang araw na iyon, na nang alamin ng mga cong. sa korte kung totoong may hearing ito ay napag-alamang wala.


Ang palusot ni Roque na honest-mistake lang daw ang pagkakamali niya dahil inakala lang umano niya na may hearing siya sa korte nang araw na ‘yun ay hindi pinalusot ng mga cong. kaya ang desisyon ay ikulong siya ng 24-oras sa piitan ng Kamara.


‘Yan ang napala ni Roque sa kanyang pagsisinungaling, kulong ng 24-oras sa House of Representatives, period!


XXX 


HARRY ROQUE KULONG SA KAMARA, MALAMANG NEXT NA NIYA SA BILIBID NA -- Ang utos na 24-oras na kulong ng Kamara kay Harry Roque ay umpisa pa lang.


Kasi, kapag isinampa na ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang kasong qualified trafficking in person laban kay Roque kaugnay sa pagkakasangkot niya sa sindikatong Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga at kapag napatunayang guilty siya sa kasong ito, matagal-tagal siyang makukulong at siguradong hindi na sa piitan ng Kamara, kundi sa Bilibid, boom!


XXX


BI NG ‘PINAS PINAKAWALANG KUWENTANG IMMIGRATION SA MUNDO -- Pinakawalang kuwentang Immigration sa mundo ay ang Bureau of Immigration (BI) ng Pilipinas.


Mantakin niyo noon ay malayang nakakapasok sa ‘Pinas ang mga illegal Chinese worker ng POGO, tapos ngayon ang mga opisyal ng POGO ay nakakalabas ng bansa nang hindi alam ng mga taga-Immigration, tsk!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page