ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | June 01, 2021
Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Unggoy o Monkey ngayong Year of the Metal Ox.
Sa pagkakataong ito, ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran naman ng animal sign na Tandang o Rooster ang ating tatalakayin.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1993, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017 at 2029, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Tandang o Rooster. Ang Tandang ay siya ring zodiac sign na Virgo sa Western Astrology na may ruling planet na Mercury.
Sinasabing ang Tandang ay natural na papalarin mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi, habang ang mapalad naman niyang direksiyon ay ang timog (south) at timog-silangan (south-east).
Sinasabing higit na madaldal, aktibo at kilala rin sa pagiging pala-pintas ang Tandang na isinilang sa panahon ng tag-init o tag-araw kung ikukumpara sa kapatid niyang tandang na ipinanganak sa tag-ulan o tag-lamig.
Isa sa pangunahing ugali ng Tandang ay ang pagiging palaayos, kaya ayaw na ayaw niyang hindi nakaayos ang mga bagay sa kanyang paligid. Bagama’t gustong-gusto niyang ayusin ang lahat ng bagay, lalo na sa opisina o lugar na kanyang pinagtatrabahuhan, madalas matagpuang maraming kalat at abubot ang silid ng Tandang, na nahihirapan siyang tanggalin o itapon dahil ito ay nagkakaroon sa kanya ng sentimental value.
Subalit sinasabing kung magagawa ng Tandang na pikit-matang itapon o ipamigay na lang kaysa hintayin pa ang bakal-bote sa mga abubot na naipon at nagawa niyang mapaaliwalas ang kanyang silid at kapaligiran, kapag malinis ang kapaligiran ng isang Tandang, mas magiging presko ang kanyang pakiramdam. Ang preskong pakiramdam na ito ang hahatak ng suwerte at magagandang kapalaran sa buhay ng Tandang, lalo na sa panahong ito ng Metal Ox na sadyang katugma at ka-compatible ng Tandang.
Bukod sa pagiging organized, kilala rin ang Tandang sa pagiging perfectionist, kung saan ayaw na ayaw niyang makakita ng mali o maliit na kapintasan. Dahil dito, maraming proyekto o gawain ng Tandang, na imbes matapos agad at pagkaperhan na ay nabibinbin pa ng mahabang panahon sa kanyang lamesa dahil pinipilit niyang tanggalin ang maliit ang kamalian.
Sinasabing kung matutunan lamang ng isang Tandang na hindi maging perfectionist at masyadong metikoloso sa kanyang proyeto o layunin, kumbaga, ‘pag ipinasa agad ang isang proyektong natapos na at ‘wag nang busisiin nang pagkatagal-tagal, mas maraming tagumpay, pag-unlad at ligayang matatamo ng Tandang, gayundin, mas madali siyang uunlad at yayaman ngayong 2021.
Itutuloy
Comentarios