ni GA @Sports | August 23, 2023
Dinomina ng Choco Mucho Flying Titans ang Australia upang makaiwas sa agarang pagpapauwi para sa ikalawang panalo sa bisa ng straight set 25-15, 25-23, 25-10 nitong Lunes sa pagpapatuloy ng 2023 VTV Cup sa Lao Cai Gymnasium sa Vietnam.
Dahil sa panalo ay nakuha ng Choco Mucho ang 2-1 kartada sa ligang inorganisa ng Volleyball Federation of Vietnam (VFV) na pangunahing sponsor ang Vietnam Television, matapos ang nakapanlulumong pangwawalis ng Vietnam 1 na grupo ni Vietnamese superstar Tran Tri Thanh Thuy sa 21-25, 19-25, 16-25 nitong nagdaang Linggo.
Nagtulong-tulong sina Isa Molde, Kat Tolentino at high-flyer Cherry Ann “Sisi” Rondina upang iaangat muli ang Flying Titans upang hindi mabalewala ang pagsusumikap ng koponan na makabawi sa nagdaang pagkatalo.
Naging dikitan naman ang laban sa second set ng dumikit ang Australia sa 22-23 na nauwi sa table sa 23-23 dulot ng service error ni Viray. Subalit muling pinatunayan ni Rondina ang pagiging bayani sa koponan ng kumamada ng magkasunod na atake kabilang ang panapos na back-row atake para sa 2-0 iskor.
Lalo pang pinalobo ng Titans ang kalamangan ng dalhin sa pinakamalaking 16 puntos sa 22-6 kasunod ng mga errors ng Australia upang maiselyo ang ikalawang panalo at subukang mapataob ang Vietnam 2, na kinakalaban sa mga oras na isinusulat ang balitang ito.
Matapos ang laban sa Vietnam 2 ay makakalaban ng Titans ang Suwon ng South Korea ngayong Miyerkules.
Kasama rin sa koponang minamanduhan ni multi-titlist coach Dante Alinsunurin sina Desiree Cheng, Maddie Madayag, Bea De Leon, Aduke Ogunsanya, Maika Ortiz, Cherry Nunag, Regine Arocha, liberos Pang Ponce at Denden Revilla, setter Jam Ferrer at ace playmaker Deanna Wong.
Comments